Pagkaraan ng 28 taon panunungkulan nakaramdam siya ng panghihina ng katawan. Nang magpatingin siya sa doktor, napag-alaman na siyay may TB. Hindi pa rin siya tumigil at tumagal pa siya ng anim na taon hanggang siyay hindi na makapagtrabaho dahil sa kanyang sakit. Kaya pagkaraan ng 34 taong pagtatrabaho napilitan na siyang tumigil.
Sa kawalang malay, hindi agad siya nagsumite ng abiso sa kompanya ng kahilingang bayaran ang kanyang pagkapinsala na kailangan, ayon sa batas ay kailangang isampa sa loob ng dalawang buwan. Makaraan lang nang halos 10 taon noong siyay humiling ng kaukulang kabayaran. Sinalungat ito ng kompanya. Ayon sa kompanya huli na raw ang hiling ni Pedro dahil matagal nang nakalampas ang dalawang buwan. Bukod dito ang sakit daw ni Pedro ay hindi sanhi ng kanyang trabaho. Tama ba ang kompanya?
Mali. Ang taning na dalawang buwan upang magbigay abiso at humiling ng kabayaran dahil sa pagkakasakit ay maaaring balewalain lalo na sa kasong ito na alam na ng kompanya ang sakit ni Pedro kahit walang abiso. Kaya ang pagkaantala na kanyang pagbibigay-abiso ay hindi makaaapekto sa kanyang karapatang humiling ng kabayaran sa pagkakasakit.
Hindi rin tama ang kompanya sa pagsabing walang kinalaman sa trabaho ni Pedro ang sakit niyang TB. Ang TB ay isang sakit na hindi agad napupuna. Ngunit dahil sa uri ng trabaho ni Pedro bilang drayber lalo na ang lagi niyang pagkakalantad sa dumi at alikabok, malinaw na may kaugnayan ang kanyang trabaho sa kanyang naging karamdaman. (Leonardo vs. WCC 88 SCRA 58).