Si Neri ay pinaimbestigahan ni CIDG chief Dir. Nestorio Gualberto dahil sa sobrang kalupitan nito kung humataw sa mga gambling lords sa Maynila. At hindi maipaliwanag ni Neri kung paano siya nagkaroon ng Revo samantalang apat na taon pa lang siya sa serbisyo. Napatunayan kaya sa imbestigasyon na operator din ng video karera itong si Neri kaya ipinatapon siya sa Mindanao? Umpisa na yan ng kalbaryo mo igan.
Si Villanueva naman ay sinipa sa tungkulin dahil sa kaliwat kanan na banat sa diyaryo. Siyempre, kapag binanatan siya sapol din ang opisina ng Regional Intelligence and Special Operations Group (RISOO) na kinokolekta niya. Isinusumpa rin ng mga gambling lords si Villanueva dahil sa sobrang laki kung humirit kayat maraming natuwa ng masipa siya sa puwesto, di ba mga suki?
Ang suspetsa ni Villanueva itong sina SPO3 Danny Sarmiento ng Police Regional Office 2 (PRO2) at alyas Tepang ang nasa likod ng pagkasibak niya bilang kolektor. Si Sarmiento ay dating kolektor ng intelligence ng NCRPO at mukhang gusto nitong bumalik sa puwesto. Si Tepang naman ay may pitong nightclub sa Quezon City na nagpapalabas ng malalaswa, maliban sa kasosyo pa ni Sarmiento sa jueteng doon. Lagot kayo kapag nakabalik na si Arman mga igan.
Sa tingin ko, nag-iisip ng malalim sa ngayon sina Neri at Villanueva at pilit na inaarok kung saan sila nagkamali. He-he-he! Mukhang malaking pera ang nawala sa inyo no, mga igan. Kung ako naman ang tatanungin, ang pagkakamali nitong sina Neri at Villanueva ay dahil hindi sila miyembro ng malaking sindikato sa illegal gambling na pinamumunuan ng isang retiradong pulis. Baka gustong sulutin ang puwesto nyo kayat pinasibak kayo?
Ang suspetsa pa ni Villanueva ay nabiktima siya ng dating mga kolektor ng NCRPO na ang hangarin ay maangking muli ang puwesto kayat pinabira siya sa diyaryo. May pagkakataon pa kayang makabangon itong sina Neri at Villanueva? Ang sa pagkaalam ko kasi, naghahanap na ng kapalit ni Neri si Supt. Asher Dolina ng CIDG Manila at gayon din si Supt. Bayani dela Rea ng RISOO kay Arman. At yan ang aabangan natin.