Editoryal - Hindi kailangan ang mga 'secret marshals'

Baka makadagdag pa sa problema ng kriminalidad at pag-abuso sa karapatang pantao ang balak ng Philippine National Police (PNP) na magdeploy ng mga "secret marshals". Ang balak ng PNP ay lumutang pagkaraang gulantangin ang Metro Manila at Central Mindanao nang sunud-sunod na pagkakatagpo sa mga bomba. Labing-isang bomba na ang natagpuan mula pa noong Lunes. Pinaghihinalaan ng PNP ang Indigenous People’s Federal State Army, komunista, mga Muslim seccessionist groups at mga grupong radikal. Sinabi ni PNP Chief Leandro Mendoza na ang bomb scare ay bahagi ng plot para sirain ang gobyerno ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Ang Malacañang ay nagpapahiwatig ng pagsang-ayon sa balak ng PNP sa pagpapalabas ng mga "secret marshals". Ayon sa PNP, magpapalabas sila ng 500 "marshals" para mapigilan ang mga magtatanim ng bomba.

Hindi kailangan ang mga "secret marshals". Isang praktikal at mabuting paraan ay ang pakalatin ang mga unipormadong pulis sa mga matataong lugar sa Metro Manila para mapangalagaan ang mamamayan. Kung ang mga unipormadong pulis ay makikitang nakakalat, mas magiging panatag ang kalooban ng mamamayan. Magtalaga ng dalawa hanggang tatlong unipormadong pulis sa mga pampublikong sasakyan gaya ng bus. Bawat coach ng MRT at LRT ay lagyan ng pulis at guwardiyahan ang bawat stations. Ginawa na ito noong 2000 makaraang gulantangin din ng mga bomba ang Metro Manila. Hindi ba’t pati mga Philippine Marines ay nagpatrulya sa mga kalsada at nagbantay sa mga malls.

Hindi na kailangan ang mga "marshals". Mali ang balak na ito ng PNP. Magbabalik lamang ang bangungot sa mamamayan kung may mga "marshals" sa mga bus o dyipni. Ang mga "marshals" ay pinalabas na noong panahon ni dating President Ferdinand Marcos at marami ang nalabag na karapatan dahil sa pang-aabuso ng mga ito. Nalagay sa panganib ang mamamayan sa oras ng engkuwentro. Nadilig ng dugo. Isinuka na ng mamamayan ang mga "marshals" at malaking pagkakamali kung ibabalik pa ang iniluwa na.

Ang epektibong pagbibigay ng seguridad sa mamamayan ay maipakikita kung walang tigil sa pagroronda ang mga unipormadong pulis. Ginagampanan ang tungkuling iniatas at sinumpaan. Hindi dapat magningas-kugon na kung kailan may nababalitang bomba saka lamang maghahanda at magpapakita ng pagkukunwari. Kapag humupa na ang bomb scare ay balik sa dating gawi na pagpapabaya. Makita sana ng PNP ang kahinaan nilang ito.

Show comments