Ganoon nga ang nangyari, bumili ako ng biik at pinaalagaan ko ito kay Mang Senting.
Pagdating ng pitong buwan, malaki na ang baboy na pinaalagaan ko kay Mang Senting. Ipinagbili at naghati kami sa benta. Mahusay talagang mag-alaga si Mang Senting dahil malaki ang aming kinita at pinaghatian. Hangang-hanga ako.
Ano ba ang sekreto mo sa pag-alaga ng baboy Mang Senting? tanong ko bilang papuri. Bahagyang namula si Mang Senting dahil likas itong mahiyain.
Natandaan mo pa ba Doktor nang binili natin ang biik sa bayan?"
"Oo naman."
"Di ba ang pinili kong biik ay matambok ang batok at mataas ang tindig. Ito ang mga tanda ng biik na magiging malusog. Natandaan nyo na itinali ko ang mga paa ng biik at tapos ay inilagay sa sako para ibiyahe sa nayon. Pagdating sa amin, inilublob ko ang nguso ng biik sa tapayan na puno ng tubig. Sa lakas ng sigaw ng biik, nalaman ko na magiging malusog siya sa paglaki.
Huminto ako sa pagsasalita. Parang kinikilatis kung ako ay tatawa o maniniwala sa sinasabi. Hindi ako kumibo pero napansin niya na lubos ang aking pakikinig. Kaya itinuloy niya ang pagsasalita.
Habang inilulublob ko ang nguso ng biik sa tapayan ay isinigaw kong magpapakatakaw ka, magpapakatakaw ka! Pagkatapos ay uminom ako ng isang basong tubig na hindi huminga hanggang naubos ang tubig sa baso. Dahil dito ang biik ay naging maganang kumain ng kaning-baboy at darak.