Noong panahon ni dating President Estrada ay talamak ang smuggling. Kaliwat kanan. Nagkaroon ng smuggling ng mga luxury vehicles, cell phone, damit, asukal at sardinas. Umaksiyon naman si Estrada sa smuggling at agad-agad na sinibak ang kanyang Commissioner at ang lahat ng mga smuggled na sasakyan ay dinala pa sa Malacañang. Naging isang malaking garahe tuloy ang Malacañang ng mga smuggled na sasakyan.
Malaki ang epekto ng talamak na smuggling sa bansa. Halimbaway sa asukal at bigas. Kung patuloy na mamamayagpag ang mga smugglers at patuloy na magpapalusot kasabwat ng mga tiwaling Customs officials at employees, ano na lamang ang mangyayari sa mga lokal na produkto. Mamamatay dahil babaha ang smuggled goods. Mas mababa ang presyo ng mga smuggle kumpara sa mga lokal na produkto. Unfair competition ang nangyayari. Winawasak ng grabeng smuggling ang ekonomiya ng bansa.
Marami ang nagpanukala na parusahan ng kamatayan ang mga smugglers upang mahinto na. Sa aming palagay, mali ang panukalang ito sapagkat hindi naman magkakalakas ng loob ang mga smugglers kung walang koneksiyon sa loob o may padrinong taga-Malacañang. Ang dapat durugin ay ang mga tiwaling officials at empleado. Simulan sa pinaka-ugat upang hindi na sila umusbong at yumabong.
Ang pagputol sa sungay ng mga tiwali sa Customs ay nakasalalay sa bagong talagang Customs Commissioner Antonio Bernardo. Pinalitan ni Bernardo si Titus Villanueva. Inaasahan ng taumbayan na nagsasawa na sa talamak na corruption na dudurugin na ang mga corrupt at nang ang bansa ay umunlad upang ang mga mahihirap ay makinabang. Ipatupad sana ng bagong commissioner ang pagbabago sa Customs.