Pero tama rin ang katwiran ng taga-NAKTAF. Hindi sila dapat magselebra hanggang hindi pa nakaupo si Ebdane sa tronong iiwan ni Mendoza dahil marami pa siyang patibong na dadaanan habang lumalakbay siya. Bilang hepe naman ng lahat ng anti-kidnapping units, sa tingin ko dapat linisin ni Ebdane ang kanyang paligid para hindi mabahiran ang kanyang pangalan ng mga masasamang inumpisahan ng ilang units nito.
Ang tinutukoy ko mga suki ay ang Task Force Dragon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Alam naman ng lahat na itong Task Force Dragon na sa ilalim ng command ni CIDG chief Dir. Nestorio Gualberto ay binuo ni Mendoza bilang sariling anti-kidnapping unit niya. Ika nga gusto pang sapawan nito ang NAKTAF ni Ebdane. Pero nawala ang turf war dahil si Ebdane na nga ang mangangasiwa ng lahat ng unit kabilang na ang Task Force Dragon, ang taga-National Bureau of Investigation (NBI), military at iba pang sangay ng gobyerno.
Kaya dapat linisin ni Ebdane ang kanyang paligid dahil itong Task Force Dragon ay kumokolekta ng lingguhang intelihensiya sa pasugalan at mga putahan sa buong bansa. Hindi maganda kung ang pangalan ni Ebdane, na mabango sa ngayon kay GMA ay madungisan sa jueteng isyu. Kaya habang maaga pa dapat pagbawalan na ni Ebdane itong Task Force Dragon na makialam sa illegal gambling at puro kidnapping na lang ang atupagin. Papangalanan natin sa susunod kung sinu-sinong opisyal ng Task Force Dragon ang may koleksiyon pati na ang ginagamit nilang kolektor.
Kung ang pamunuan sa ngayon ni Mendoza ay kaliwat kanang nasang- kot sa jueteng, si Ebdane naman ay nangakong hindi niya dudumihan ang kanyang mga kamay ng jueteng money kapag siyay naupo na bilang PNP chief nga. Magandang simulain ito, di ba mga suki? Kapag naupo na si Ebdane, dapat ang una niyang paghuhulihin ay ang mga kolektor ng lingguhang intelihensiya, sila ay maging pulis man o sibilyan. Sila ay parang mga anay na unti-unting sumisira sa pundasyon ng PNP na hindi naman pinapansin ni General Mendoza sa mga kadahilanang siya lang ang nakakaalam. Siguro sa ngayon pa lang nanginginig na sa nerbiyos itong mga tinutukoy ko.