Karamihan kasi sa masa ngayon ay sa jueteng umaasa sa kanilang pang-araw-araw na gastusin. Kaya alam nila na ang pulisya rin ang nasa likod ng operasyon nito dahil sila ang nabibiktima ng hulidap, hingi-huli at iba pang kabuktutan nila. Alam din nila kung magkano ang lingguhang intelihensiya ang ibinibigay ng mga financiers nila sa PNP at iba pang sangay ng gobyerno ni GMA.
Kaya nang akusahan ni Lacson ang ating kapulisan na protector ng jueteng operations sa bansa, sumang-ayon ang masa. Totoo ang sinasabi ni Lacson dahil sa PNP din siya lumaki kayat abot niya ang pinagsasabi niya, anila. Ilan ba sa ating regional directors at hepe ng support units ng PNP na ayaw umalis sa puwesto dahil sa nanghihinayang sa sobrang laki ng salaping iniakyat sa kanila ng jueteng? Itanong nyo yan mga suki kay Dir. Nestorio Gualberto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), C/Supt. Reynaldo Berroya ng Region 3, C/Supt. Domingo Reyes ng Region 4 at C/Supt. Ike Galang ng Region 5 at alam nila ang kasagutan.
Kaya nga hilong-talilong sa ngayon si PNP chief Dir. Gen. Larry Mendoza dahil hindi niya alam kung paano ipatupad ang malawakang reshuffle sa command niya eh gusto ng apat na ma-extend sila, anang masa. Ano ba yan? Kaya tama lang ang panukala ni Lacson na parusahan ng dalawang bitay ang mga opisyales ng pulisya na napatunayang protector ng jueteng. Ang mga PNP officials na pumiyok sa panukala ni Lacson ay tinawanan ng masa dahil alam nilang guilty sila.
Matunog kasi ang pangalan nila sa kalye dahil matutulis ang kolektor nilang pulis o sibilyan man. Pero sa tingin ko, imbes na ang pulisya natin ang pag-initan niya dapat ibaling ni Lacson ang kanyang atensiyon sa mga kolektor ng intelihensiya tulad ng grupo ng retiradong pulis na may hawak sa ngayon ng mga gambling lords sa buong bansa. Ang grupo rin ang umaaktong kolektor ng intelihensiya ng DILG, CIDG at iba pang sangay ng pulisya. Itanong mo kay Marlon na bata ni Int. Sec. Joey Lina at alam niya to, Sir Ping.
Kilala ni Lacson ang retiradong pulis na ito dahil noong PNP chief pa siya ay ginisa nito ang pangalan niya sa mga gambling lords. He-he-he! Kumita siya sa yo ng limpak-limpak na salapi gamit ang pangalan mo Sir Ping. Dapat ang grupo ng retiradong pulis ang ipatawag mo at gisahin sa Senado Sir Ping at sigurado akong kapag nakumbinsi mo silang magsalita, patutunayan nila ang akusasyon mo. Inaabangan ng masa ang aksiyon mo laban sa grupo Sir Ping.