Si Gary at Joyce ay live-in partner. May anak na lalaki si Joyce, si Gus. Si Joyce lamang ang naghahanapbuhay sa kanila sa pamamagitan nang pagtitinda ng siopao. Kalimitan kung wala silang pagkain ay binubugbog pa silang mag-ina ni Gary. Minsan ay nabanggit ni Joyce na uuwi na lamang sila ni Gus sa kanyang mga magulang sa Bisaya. Nagalit si Gary at kung hindi nakaalis kaagad ng bahay si Joyce baka nagulpi na naman. Noong siyay umalis, iniwan niya si Gus at si Gary sa kanilang bahay.
Kinahapunan, nakita ng mga kapitbahay si Gus na mukhang patay na. Tinulungan ito ng mga kapitbahay na madala sa ospital subalit hindi na umabot ng buhay. Sinalubong ni Gary ang bangkay ni Gus galing sa ospital at humingi ng tawad. Sa pagsusuri ay lumabas na ang ikinamatay ni Gus ay suntok sa dibdib at panga na lumikha ng internal bleeding at puminsala sa puso nito. Kinasuhan si Gary at napatunayang nagkasala. Sa apila, sinabi ni Gary na walang nakakita na siya ang pumatay sa bata, kaya hindi napatunayang walang duda siyang nagkasala. Tama ba siya?
Mali. Sabi ng Korte Suprema, walang alinlangan na si Gary nga ang pumatay kay Gus. Una, hindi niya tunay na anak ang bata at maraming beses niyang minaltrato ang mag-ina. Pangalawa, noong araw na mamatay ang bata ay nag-away muna sila ni Joyce at sila lamang dalawa ni Gus ang nasa bahay nang mangyari ang insidente at panghuli, humingi siya ng tawad kay Joyce pagdating nito sa ospital. Patunay na nagsisisi siya sa nagawa. Ito ang patotoo para magbigay ng konklusyon ang Korte Suprema na napatay nga ni Gary si Gus. (Pp. vs. Magtuloy, GR#105671, June 30, 1993).