Problema ng tatlong sekyu

SINA Fermin, Andres at Simeon ay hinirang ng isang goverment corporation bilang mga guwardiya sa sangay na opisina nito sa Bicol. Dahil kulang ang nagbabantay inatasan sila Fermin ng hepe ng opisina na magtrabaho ng 12 oras. Ang oras nila ng panunungkulan ay nakatala sa rekord at aprubado ng OIC. Sa katunayan nga mismong OIC ang nag-apruba ng overtime nila upang pangalagaan ang mga pag-aari ng corporation sa nasabing sangay.

Ngunit mayron palang patakaran ang board of directors sa korporasyon na hindi puwedeng mag-overtime at sumingil ng meal allowance kundi aprubado ng general manager at kung ito’y kailangang-kailangan lang. Kaya noong sumisingil sila Fermin ng overtime pay at meal allowance, hindi sila pinayagan dahil labag daw sa nasabing patakaran. Tama ba ang corporation?

Mali.
Kung ang trabaho ay kailangan at ito’y sa kabutihan ng kompanya o kaya’y hindi maaaring iwanan ng empleyado ang trabaho pagkaraan ng walong oras dahil walang kahalili at ang overtime ay pinahintulutan ng nakatataas sa mga empleyado, dapat bayaran ang overtime kahit walang pagsang-ayon ang general manager, at kahit may patakarang nagbabawal nito.

Sa kasong ito, ang tatlong guwardiya ay nag-overtime sa utos ng nakatataas sa kanila upang pangalagaan ang mga pag-aari ng kompanya dahil kulang nga sa magbabantay. Kaya ang ginawa nila ay sadyang kailangan at nakabuti para sa kompanya. Bukod dito, nag-overtime sila dahil walang kapalit. Samakatuwid, dapat lang na bayaran ang overtime at meal allowance nina Fermin, Andres at Simeon. (Reotan vs. Naric 4 SCRA 418)

Show comments