"Sino ba iyong mga dumating sa jeepney?"
"Mga empleyado na galing sa trabaho, Doktor. Umagang-umaga umaalis para makarating ng maaga sa opisina. Sa kalsada na sila inaabot ng maghapon."
"Siguro malaki ang sahod nila ano? Maganda ang bihis. Naka-uniporme ng puti."
Napatawa si Selmo at pakutyang sinabi "Maliit ang suweldo nila Doktor. Gusto lang matawag na empleyado. Mga ayaw maturingang magsasaka."
"Ikaw, ano ba ang hanapbuhay mo?" tanong ko.
"Magsasaging," sagot ni Selmo.
"Sino kaya ang mas malaki ang kita, ikaw o sila?"
"Mas malaki ang aking kita. Sa bunga pa lang ng saging malaki na ang kita ko. Pag dinagdag ko pa ang puso at dahon mas malaki pa."
"Paano mo nalaman na maliit ang kita ng empleyado."
"Dati akong empleyado. Laging kinakapos."
"Mabuti pa kaya ay maging magsasaging na lang ako."
"Huwag naman at mawawalan kami ng doktor," sabi ni Selmo.