Ito ang tunay na diwa ng EDSA 2. Ang pagsasakatuparan ng mga makabuluhang programa sa edukasyon, palupa at pabahay, paglaban sa corruption at pagpapaunlad sa ekonomiya.
Ipinakita ng Presidente ang tunay na diwa ng EDSA 2. Itoy ang pakikipag-ugnayan sa mga mahihirap at pagdinig ng kanilang karaingan. Ito ang pagbibigay ng lupa sa mga matagal nang nagnanais magkaroon ng kaseguruhan kung saan nakatirik ang simpleng bahay na ginawa lamang sa pinagtagpi-tagping yero at kahoy. Ito ang panawagan ng rekonsilyasyon sa mga bumabatikos sa administrasyon at pagdinig sa kanilang mga reklamo.
Sa mga kababayan, ito ang panahon ng ating pagmumuni at pagsisiyasat sa sarili. Pagkatapos ng EDSA 2, kabahagi po ba tayo na tumulong sa pagbabagong ninanais sa ating pamahalaan at bansa?
Ang sagot sa pag-unlad ay hindi lamang po nakaasa sa balikat ng pamahalaan. Anuman ang paniniwala, sagot din natin sa susunod na henerasyon ang kinabukasan ng ating bansa.