Maraming manggagawa at empleyado ang hanggang ngayoy umuupa pa rin ng apartment o bahay sa Metro Manila kaya pinapangarap nilang magkaroon ng sariling bahay at lupa. Sa hirap ng buhay ngayon, nagtitiyaga na lang silang umupa dahil sa mataas ng interes na patong kung humiram man ng pondo para sa pambili ng sariling bahay. Ang sitwasyong ito ang pinagtutuunan ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad na makahiram sa mababang interes sa mga Government Financial Institutions (GFIs) at mga pribadong bankong naglalayong isulong ang programa sa pabahay ng kasalukuyang administrasyon. Ang pagpapatibay ng Rent-To-Own Program sa pamamahala ng Pag-IBIG ay malaking tulong sa mga manggagawa.
Bukod sa pagpapatupad ng mga nasabing programa, isinasagawa na rin ang madaling pagproseso ng mga aplikasyon. Ang red tape sa pagproseso ng mga papeles ay hindi na dapat ikabahala.
Sa pamamagitan ng mga programang ito, may kaseguruhan nang magkaroon ng sariling tahanan ang ating mga kababayan. Pati ang mga iskuwaters ay hindi na matatawag na iskuwaters sa sariling bayan. Ngunit maisasakatuparan lamang ang mga proyektong ito kung ang ating mga kababayan ay makikiisa at makikibahagi sa pagsusulong ng programa.