Si Vina ay kasal kay Aris, isang empleado ng US Navy. Dahil sa kanyang trabaho, madalas na naiiwan si Vina na nag-iisa sa pagpapalaki sa kanilang anak. Tumagal ang ganitong sitwasyon nang 18 taon hanggang si Aris ay nadestino muli sa ibang lugar noong World War II at hindi na muling nagbalik.
Umuwi si Vina sa kanyang probinsiya at doon ay kanyang napag-alaman na si Aris ay patay na. Bumalik ng Maynila si Vina upang makaipon para sa pangangailangan ng kanyang pamilya. At dito ay nakilala niya si Baron.
Marami ang naging saksi sa nabuong pagmamahalan nina Vina at Baron hanggang tuluyan na silang nagsama sa iisang bahay. Ang kanilang relasyon ay nagbunga ng dalawang anak. Maayos na sana ang lahat nang bigla na lamang bumalik si Aris. Nalaman niya ang relasyon nina Vina at Baron. Dahil sa matinding galit, idinemanda niya ang dalawa ng adultery.
Sinabi naman ni Vina na hindi siya maaaring managot sapagkat inakala niya na patay na si Aris at bukod dito, sila ay basta na lamang iniwan ni Aris ng walang pinadadalang suporta sa kanilang mga anak.
Ang tanong na sinagot ng Korte Suprema ay kung sapat ang pag-akala sa pagkamatay ni Aris upang sila ay hindi managot sa kasong adultery.
Malinaw sa ating batas na maaaring managot si Vina sa salang adultery dahil sa kanyang relasyon kay Baron. Pero ayon sa Korte Suprema, maaari lamang babaan ang kanyang sentensiya dahil sa nagawa lamang ito ni Vina sa pag-aakala na patay na ang kanyang asawa, dahil hindi man lamang ito sumulat o nagpasabi na siya ay buhay pa. Kasama pa rito ang katotohanan na kailangang suportahan ni Vina ang anak niya kay Aris kaya siya kumapit sa patalim. (Circumstantial Victim, US. v. Alberto & Regala, CA 47 O.G. 2436)