Editoryal - Kaawaan ang mga batang biktima ng toxic wastes

KABILANG sa mga batang namatay dahil sa toxic na iniwan ng mga Amerikano sa Clark Air Base ay sina Kathleen Lavadia, 10, at Crizel Jane Valencia, 6. Sina Kathleen at Crizel ay namatay dahil sa leukemia noong 2000. Bago ang masaklap na kamatayan ng dalawa, may ilang bata na ang namatay na ang itinuturong dahilan din ay ang toxic wastes. Nakalagay naman sa panganib ngayon ang buhay nina Micah Mesiano at Abraham Taruc na mayroon din umanong leukemia.

Ginawang kanlungan ng mga lahar victims ang Clark mula nang sumabog ang Mt. Pinatubo noong 1991 subalit mas matindi pala ang kanilang daranasin dahil unti-unti ang ginagawang pagpatay sa kanila. Una nang naiulat na ang evacuation center na dating site ng Clark Air Base Command (CABCOM) ay isa sa tinukoy ng US Department of Defense na kontaminado ng toxic. Pinatotohanan din ito nang lumabas ang isang artikulong may titulong ‘‘Environmental Review of Drowdown Activities at Clark Air Base" na nagsasaad na may walo umanong contaminated sites sa Clark.

Sa isang pag-aaral na ginawa ng Weston International on US toxic legacies, ang mga balon umano na nakapaligid sa Clark ay may mataas na level ng deldrin – isang toxic pesticide.

Hindi lamang ang naninirahan sa Clark ang nasa panganib kundi maging ang mga naninirahan sa Subic na dating naval base ng US. Sa kasalukuyan, naiulat na may 386 leukemia cases ang naiulat mula noong 1996, ito ay ayon sa report ng University of Santo Tomas Hospital. Isang 18-anyos na lalaki na ang namatay sa Olongapo City noong 2000 dahil sa leukemia.

Sinabi ni President Gloria Macapagal-Arroyo noong November 2001 bago bumisita kay US President George W. Bush, na hihilingin umano niya rito na linisin ang toxic sa dalawang dating bases. Hindi natupad ang kanyang sinabi. Maaaring kinahiyaan sapagkat pinangakuan ni Bush ng mga gamit panggiyera laban sa mga terorista. Nawala na ang interes sa mga kawawang biktima ng toxic na higit pa sa tama ng terorista ang sinapit.

Kawawa ang mga bata na nagdaranas ng kung anu-anong sakit dahil sa duming iniwan ng mga Amerikano. Walang ginagawang aksiyon ang gobyerno. Sa Senado ay tanging si Sen. Robert Jaworski lamang ang maingay tungkol dito. Hahayaan na lamang ba na mamatay unti-unti ang mga bata? Kailan kikilos, kung malapit na ang election at magpapabango sa taumbayan? Huwag naman. Buhay ang kasangkot dito. Kumilos para mapilit ang US na alisin ang nakamamatay nilang dumi sa Clark at Subic.

Show comments