Ang Pentagon ay breakaway group ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Nang humarap sa pakikipagnegosasyon ang MILF sa gobyerno, humiwalay ang grupong ito at nagsagawa ng mga pangingidnap at iba pang gawaing terorismo. Itinanggi naman ng mga matataas ng opisyal ng MILF na mga dati nilang kasamahan ang nasa grupo. Ito anila ay mga kriminal. Ang Pentagon ang responsable sa pagkidnap noong nakaraang taon sa apat na Chinese nationals; sa isang Filipino-Chinese traders mula sa Davao at sa Italian priest na si Guiseppe Pierantoni. Ang pinakahuling kinidnap ng grupo ay ang anak na babae ng isang local car dealer sa Davao City. Nakasakay umano sa van ang biktima at dalawa nilang empleyado nang harangin ng grupo noong nakaraang linggo. Humihingi ng P5 milyong ransom ang grupo.
Walang ipinagkaiba sa Abu Sayyaf ang grupong ito. Nakikipagpaligsahan sila sa pagkidnap at pagkakamal ng pera. Maaaring hindi na rin sila natatakot tulad ng Abu Sayyaf na hanggang ngayoy hawak pa ang mag-asawang Martin at Gracia Burnham at ang nurse na si Deborah Yap.
Ang kaguluhan sa Mindanao ay isa sa mga balakid kung bakit ayaw itong umunlad. Kinatatakutan. Nang maging marahas ang mga terorista at sinalakay ang Amerika noong September 11. 2001, ipinagbawal ng ilang bansa ang pagtungo sa Mindanao. Lugmok ang turismo sa pangyayari. Hanggang sa kasalukuyan, wala pang katiyakan kung kailan nga ba mapupulbos ang mga bandidot terorista.
Noong kauupo pa lamang ni GMA may isang taon na ang nakararaan, sinabi niyang dudurugin ang Abu Sayyaf. Hindi ito natupad. Dapat tiyakin ni GMA ang pangako upang mapawi ang alinlangan sa kanya. Ngayong sumulpot ang Pentagon at naghahasik ng kaguluhan, dapat niyang atasan ang kanyang tropa na putulin ang sungay at pangil ng mga ito habang maaga upang hindi magaya sa Abu Sayyaf na madaling makalusot sa kordon ng military.