Walang nagawa ang mga motoristang tumahak sa North at Luzon Tollways. Hindi naman maaaring paliparin ang kanilang sasakyan para maiwasan ang mataas na toll fee. Naipit sa kalituhan sa pagbabayad ng fee kahit na walang makitang improvement sa kanilang dinadaanang tollways.
Sa mga nakaraang taon, hindi kumikibo ang mga motoristang dumadaan sa dalawang expressways kahit nagsulputan ang napakaraming problema, unang-una na ang traffic. Dito lamang yata sa Pilipinas makararanas ng traffic sa tollways. Bukod sa grabeng trapik, maraming portion dito ang lubak-lubak. Dito rin lamang sa Pilipinas, makakakita ng tollways na nakapapasok ang mga vendors tindero ng mani, sitsaron, tubig at kung anu-ano pa at nakikipagpatintero sila sa mga sasakyan. Makikita ang tanawing ito sa North Luzon Tollways ilang metro ang layo sa Balintawak Toll Plaza. Nagdadaan ang mga vendors sa mga sinirang alambreng bakod. Halatang sinira para sila makadaan. Hindi bat dapat itong alagaan upang walang makapasok at maiwasan ang aksidente.
Marami na ring pangyayari na may aksidenteng nagaganap sa dalawang tollways dahil walang kaukulang babalang makikita ang mga motorista. May mga namamatay dahil binabagsakan ng bato ang kanilang sasakyan habang tumatakbo. May mga nahoholdap pa.
Maraming problemang dapat solusyunan bago magtaas ng singil sa toll fee. Hindi ito magandang pasalubong sa 2002 gayong pilit na sinasabi ng pamahalaan na iaangat ang kabuhayan at kalagayan ng mahihirap. Panibago na naman itong pabigat.