EDITORYAL - Problema kapag pinayagan si Erap

Malaking problema kapag pinayagan ng Sandiganbayan na makapagbakasyon ng 11 araw si dating President Estrada. Nararapat itong pag-isipang mabuti sapagkat baka maging simula nang paghiling pa nila nang kung anu-ano sa hinaharap. Sa sulat ni lawyer Rene Saguisag sa Sandiganbayan, kung ang gobyerno umano ay nakipagkasundo sa mga rebelde para sa ceasefire sa diwa ng Kapaskuhan, bakit hindi rin ito ibigay sa mag-amang Estrada. Magsisiyam na buwan na umano sina Estrada na naka-hospital arrest at nararapat lamang na sa panahong ito ng pagbibigayan ay maipagkaloob sa mag-ama ang kahilingang makapiling ang mga mahal sa kanilang bahay sa San Juan.

Kung papayag ang Sandiganbayan sa kahilingan nina Estrada ito ang kauna-unahang mangyayari sa sistema ng batas sa Pilipinas – na ang isang Presidenteng naakusahan ng pandarambong at "nakakulong" ay makakapiling ng 11 araw ang kanyang pamilya sa araw ng Pasko at Bagong Taon. Mula December 23 hanggang January 2, 2002 ang hiniling na bakasyon nina Estrada. Noong Todos los Santos ay humiling din sina Estrada na makalabas sa Veterans Memorial Medical Center kung saan sila ay naka-hospital arrest para dalawin ang puntod ng kanilang mahal sa buhay. Hindi sila pinayagan ng Sandiganbayan.

Hindi biro ang kahaharapin ng Sandiganbayan at dapat ay maging matalino sila sa pagpapasya sa kahilingang ito. Hindi dapat payagan ang dalawa sapagkat unang-una na lalabag sa batas. Ang mag-amang Estrada ay hindi pinayagang magpiyansa dahil sa bigat ng ibinibintang sa kanilang paglustay ng pera ng bayan. At siguradong kapag pinagbigyan sila, tiyak na sa mga susunod pa, halimbawa’y birthday o anumang okasyon ay maaaring humiling din sila. Gagawin lahat ng kanyang mga abogado ang paraan para magkaroon ng butas ang batas. Hindi dapat mahulog sa patibong si Sandiganbayan Associate Justice Anacleto Badoy.

Kamakalawa rin ay umangal na ang 200 political prisoners at sinabing hihiling din sila ng bakasyon kapag pinagbigyan ang mag-amang Estrada. Matagal na umano silang nagtitiis sa kulungan at nasasabik na silang maranasang kapiling ang kanilang mga mahal sa buhay sa panahon ng kapaskuhan. Kung ano ang ibibigay kay Estradang kaluwagan, dapat ay ganito rin ang ibigay sa kanila.

Ang diwa ng kapaskuhan ay pagbibigayan, pagmamahalan at kapayapaan, tama rito si Saguisag subalit huwag naman sanang isangkalan ito upang laktawan ang mga itinatadhana ng batas. Huwag sanang gawing isyu ang kapaskuhan para makakuha lamang ng simpatya at magpakontrobersiya pa.

Show comments