Ang huling pagsubok

Binisita ko si Mang Bertong Albularyo sa kanilang bahay.

"Mang Berto,pagkaraan ng ilang taon nyong pagtuturo sa akin ng karunungan sa panggagamot,siguro naman ay tapos na ako sa pagka-albularyo,' sabi kong nakatawa.

‘‘Doktor na kayo ng medisina at ngayo’y albularyo pa,’’ sagot ni Mang Berto. ‘‘Pero kailangan ang huling pagsubok, Doktor.’’

Hindi ko mapigil ang pagbulalas sa tawa. ‘‘Ang ibig mong sabihin Mang Berto, kailangang malusutan ko ang board examination ninyo?’’

‘‘Tama ka Doktor!’’

‘‘O, sige, handa na ako,’’ sagot kung matatag ang kalooban.

‘‘Simple lamang ang ipagagawa ko. Pag nagtagumpay kayo, ay tunay na albularyo na. Pag hindi ninyo maisagawa ang aking sasabihin ay hindi kayo pasado. Maliwanag ba ang kasunduan?’’

‘‘Oo. Alam kong kayang-kaya ko ‘yan. Sa Unibersidad ng Pilipinas nga nakaya ko at nalusutan, ito pa kaya? Sambit ko na may kasamang kayabangan.

‘‘Bibigyan kita ng isang baso ng kerosene at isang kutsarang asin. Tunawin n’yo ang asin sa kerosene.’’

‘‘Napakadali naman,’’ sagot ko.

Binigyan ako ng baso na puno ng kerosene at asin. Inabutan ako ng kutsaritang panghalo.

‘‘Sige, Doktor, simulan mo na ang pagsubok,’’ sabi ni Mang Berto.

Dahan-dahan kong hinalo ng kutsarita ang asing nasa baso. Nagtaka ako kung bakit ayaw matunaw ang asin. Nilakasan ko ang paghalo. Subalit hindi talaga matunaw ang asin.

Pagkatapos ng ilang minutong paghalo ay sumuko ako. ‘‘Ayaw matunaw ang asin, Mang Berto.’’

‘‘Marami ka pang asin na kakainin, Doktor. Hindi ka pumasa sa pagsubok dahil mahina ka sa Chemistry."

Show comments