Habang itinatanggi ni Lacson ang mga nasabing bintang nagsampa naman ang PNP-CIDG sa Ombudsman ng reklamo laban kay Lacson sa pagkakasangkot pa rin nito at ang kanyang mga tauhan sa katiwalian at pagsisinungaling sa Korte (perjury) kaugnay ng paglabag umano sa Anti-Wiretapping Law. Ano na ang nangyari sa Kuratong Baleleng case na nakapending sa Supreme Court?
Ang mga ito ay muli pang nakadagdag sa unti-unti nang nagbabagang usapan at pagtatalo ng ating mga kagalang-galang na senador ukol sa mga usaping hinaharap ni Lacson.
Matatandaan na sinubukan namang baligtarin ni Lacson ang mga usapan patungkol sa kanya, at itinuon ang puna kay First Gentlemen Mike Arroyo sa umanoy pagkakasangkot nito sa anomalya sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Kasabay pa rin nito ang patuloy na pagbatikos sa pamahalaan ng ilang grupo hinggil umano sa katiwaliang nagaganap sa Malacañang na may kaalaman at pahintulot mula kay President Arroyo.
Totoo na kung may reklamo laban sa ating mga namumuno ay dapat ding bigyan ng pansin ng mga kinauukulan. Ngunit hindi rin naman dapat pabayaan at ibaon sa limot ang mga reklamong una nang inihain sa Korte mga reklamong tulad ng mga hinaharap ngayon ng mga pinunong tulad nina Lacson at Erap.