Bilanggo nga ba si Misuari?

ITINUTURING nang terorista si Nur Misuari. As such, the Philippine government has formally reported to the United States, Misuari’s link-up with the Abu Sayyaf.

Nasa Malaysia si Misuari. Sabi ng Malaysian government nakakulong daw dahil sa illegal entry. Ngunit bakit ni walang maipakitang larawan ni Misuari gayong dalawang linggo na ang lumipas sapul nang siya’y inireport na naaresto?

Lumulutang tuloy ang mga haka-hakang siya’y nasa kustodya ng Organization of Islamic Conference at binibigyan ng special treatment sa Malaysia. Bagamat pinasinungalingan ito ng Malaysian government, marami pa rin ang duda kung si Misuari’y nakakulong nga o hindi.

Pero ang Malaysia na rin ang nagsabing ibig na nitong i-deport sa Pilipinas si Misuari pero ang Pilipinas ang umaayaw porke lalong malaking gulo sa bansa ang ibubunga ng kanyang presensiya.

Kung totoong nakakulong ang rebeldeng ex-governor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, saang kulungan sa Sabah? Sana’y makapaglabas man lang ng larawan ang Malaysia na nagpapakitang nakakalaboso si Misuari.

Ang sabi ni Presidente Arroyo, hiniling na ng gobyerno sa US government na ilista si Misuari sa talaan ng mga terorista.

Sabagay, kung mapapatunayang nakipag-alyansa si Misuari sa Abu Sayyaf, ibig sabihi’y galamay na rin siya ng Al Queda terrorist network ni Osama bin Laden.

Ibig sabihi’y Amerika na ang aaresto, uusig at magpaparusa kay Misuari. Malaking bawas sa sakit ng ulo ng Pilipinas.

Mag-aklas man ang mga nalalabing taga-sunod ni Misuari, Amerika na ang kalaban nila.

Galit na pati mamamayan sa Mindanao kay Misuari. Ang mga nababalitaan nating pagkuyog at pagpaslang ng mga taumbayan sa mga taga-sunod niya’y patunay na ibinaba ni Misuari ang kanyang kategorya sa pagiging bandido. Tulad ni Osama bin Laden.

Show comments