14 na taong pagkabilanggo sa kasapakat sa pagpatay

Natagpuan ang bangkay ni Bernie mga 2:30 ng umaga sa tabing-daan na may tama ng bala sa ulo. Walang nakakita sa pagpatay sa kanya ngunit may mga tani-tanikalang pangyayari na nagtuturong si Resty ang isa sa mga pumatay. Isinangkot din si Fer batay sa dalawang pangyayaring napatunayan kung saan siya’y nakita: Una, nandoon siya at nakita niyang nag-aaway si Resty at Bernie sa basketball court mga 12:30 ng umaga. Nakatayo siya habang sinusuntok ni Resty si Bernie, tinutukan ng baril at hinila papunta sa isang taxi. Tumulong si Fer at dalawa pang tao sa pagsakay kay Bernie sa taxi. Pangalawa, nakita siyang muli nang dumating sina Resty sakay ng nasabing taxi sa isang beerhouse. Sa oras na iyon, duguan ang t-shirt ni Fer at may sugat sa daliri.

Batay sa dalawang sirkumstansyang ito, hinatulan din ng mababang hukuman si Fer sa pagpatay kay Bernie tulad ni Resty dahil may sabwatan daw sila. Ang tatlong kasama pa nila ay hindi nasentensiyahan dahil hindi pa nahuhuli. Tama ba ang hatol ng mababang hukuman kay Fer?

Mali
. Ang mga pangunahing may sala sa isang krimen ay yung mga tuwirang sumali sa pagsasagawa ng krimen; o yung namuwersa o naghikayat sa iba na gumawa nito o yung tumulong na maganap ang krimen sa pamamagitan ng mga gawaing kung wala’y hindi iyon matutupad.

Sa kasong ito, hindi kasali si Fer sa awayan ni Resty at Bernie sa basketball court. Nanood lang siya noon. Hindi niya sinuntok o tinutukan ng baril si Bernie. Tumulong lang siya sa pagsakay kay Bernie sa taxi. Ang pangalawang ebidensiyang nakita siyang pumapasok sa beerhouse na may duguang t-shirt at kasama si Resty at tatlo pang katao ay hindi rin nagpapakita kung ano ang naging partisipasyon niya sa pagpatay kay Bernie. Walang ebidensiya tungkol sa kung paano pinatay si Bernie at kung ano ang partisipasyon ni Fer. Ang mga ikinilos niya’y hindi nagpapatunay na kasabwat siya o sumang-ayon siya sa balak ni Resty.

Ngunit may pananagutan pa rin si Fer. Hindi bilang pangunahing may sala kundi bilang isang kasapakat sa pagsasagawa ng krimen. Anim na taon hanggang 14 na taon ang sentensiya niya sa kulungan. (People of the Philippines vs. Flores G.R. No. 124977 June 22, 2000)

Show comments