Halimbawa, hindi pa nalilimutan ang pagkasabat kay Panukulan, Quezon Mayor Ronnie Mitra ng 504 kilo ng shabu nung Okt. 15. Naalala nga ito ng publiko nang makatiklo na naman nitong nakaraang linggo ang maaagap na pulis ng 334 kilo ng shabu, halagang P668 milyon. Ang nakakalimot yata ay ang matataas na opisyal, sina Interior Sec. Joey Lina at PNP Dir. Gen. Larry Mendoza. Sabi ni Lina kinabukasan ng pagkahuli kay Mitra na tiyak na may mas mataas pang pulitikong sangkot sa pinakamalaking tangka ng pagpuslit ng shabu sa Pilipinas. Dagdag naman ng spokesman ni Mendoza na may malaking negosyanteng Tsino na nagpondo ng kontrabando ni Mitra na may P1 bilyon ang halaga.
Puwes, nasaan na ang suspects na ito? Bakit hanggang ngayon, si Mitra pa lang ang kinakasuhan? Hindi nakakalimot ang Pilipino; naghihintay pa nga ng resulta.
Hindi pa rin nalilimutan ng madla ang pagbomba sa puericulture center sa Zamboanga City noong nakaraang buwan. Kaigtingan noon ng pagtugis ng militar sa Abu Sayyaf kidnap-terrorists sa Basilan. Mahigit isang dosena ang namatay. Dinampot ng pulisya si Marvin Guenson, na lumalabas na may-sayad na umamin sa krimen. May isang Jammal ding hinuli. Nagpaalala ang insidenteng ito nang matimbog nitong Sabado ng militar ang tone-toneladang bomba na ginawa ng mga kampon ni Nur Misuari sa MNLF sa loob mismo ng ARMM headquarters sa Cabatangan, Zamboanga.
Magkatulad ba ang bomba sa puericulture center sa mga bomba ng MNLF? Dapat alamin, gayong sinasabi ng Malacañang na magkasabwat pala ang dalawang grupo. Naghihintay ang madla ng resulta.
Marami pang ibang di-nalilimutan ang Pilipino. Mahigit dalawang dosena ang namatay sa Rizal Day bombing nung Dec. 30, 2000. Halos isang dosenang mansiyon ang inipon ni Joseph Estrada para sa mga kabit mula sa kabang-bayan. Ano na ang nangyari sa mga kasong ito?