Isang halimbawa ay ang kakatwang nangyayari sa Correctional Institute for Women (CIW) kung saan nakakulong ang drug queen na si Yu Yuk Lai, 55. Nakalabas sa kulungan si Yu noong Lunes at dinalaw ang kanyang pamangking si William Sy sa National Bilibid Prisons (NBP). Sinibak na ang warden ng CIW na si Supt. Rachel Ruelo na nagbigay ng permiso para makalabas si Yu.
Si Yu kasama ang pamangking si Sy ay nakumpiskahan ng tatlong kilo ng shabu noong Nov. 7, 1998 sa parking lot ng isang hotel. Nahatulan lamang sila ng life imprisonment noong Sept. 25 ng kasalukuyang taon ni Judge Teresa Soriaso ng Manila Regional Trial Court sa kabila na tatlong kilo ng shabu ang nakumpiska sa mga ito. Sa ilalim ng batas, ang makukumpiskang 200 gramo ng shabu ay may katapat na parusang kamatayan.
Ang paglabas ng kulungan ni Yu noong Lunes ay hindi una sa kanyang pagtatamasa ng kalayaan habang nakakulong. Makaraang maaresto noong 1998 at ikulong sa Manila City Jail, nagawa ring pagapangin ni Yu ang kapangyarihan ng pera. Nagagawa niyang makalabas at makapunta sa casino para magsugal. Nagawa rin niyang makalabas para umanoy magpagamot ng kanyang sakit. Nadagdagan ang pagiging kontrobersiyal ni Yu makaraang mabulgar na nilalakad ang kanyang kaso ni dating appellate court Justice Demetrio Demetria at sports patron Go Teng Kok.
Maraming katiwaliang nangyayari sa mga bilangguan. Habang marami ang nagdurusang mahihirap na bilanggo, marami rin naman ang nagtatamasa ng magandang kalagayan na maaaring makapamasyal o makapagsugal. Habang marami ang mga bilanggong nagsisiksikan sa selda at may kung anu-anong sakit, ang mga mayayamang bilanggo ay namumuhay nang walang kahirap-hirap.
Dahil sa ipinakitang kaluwagan sa mga bilanggong may pera hindi kataka-taka na hindi natatakot ang mga mahuhuling drug traffickers sapagkat maaari naman silang makalabas at ma-enjoy ang dating buhay. Dapat imbestigahan ang mga opisyal ng bilangguan upang matiyak na hindi sila nagkakamal ng salapi mula sa mga bilanggong mayayaman. Panahon na para tapusin ang kanilang katiwalian.