Sa kabila ng expectation at pabuya natin sa pulis, napakahirap ng buhay nila. Inamin ni Interior Sec. Joey Lina na wala palang budget para sa pension ng mga magreretirong pulis sa 2002. Kaya nagkukumahog sila ni Budget Sec. Emy Boncodin na punuan ito mula sa pagtitipid huwag lang maudlot ang inaasahan ng mga nagbingit-buhay sa serbisyo.
Heto pa kamo: Kulang na kulang sa gamit ang PNP. Halos 23,000 pulis isa sa bawat lima sa 115,000 ay walang baril. Bring your own gun sila, ika nga, na pinalilisensiyahan na lang ng PNP at iniisyuhan ng mission order. Yung iba tuloy, paltik ang dala. Kaya pala atubiling humarap sa mga kriminal na mas malalakas at mahahaba ang kargada. Kaya pala maraming pulis ang nauunahan at napapatay sa bakbakan.
Kulang din ang PNP ng batuta pampatrolya at posas panghuli. At lalong kulang ang patrol cars. Kaya pakiusap ni Lina sa mga meyor na sila na sana ang bumili ng kotse para pang-ronda. Walang mangyayari kung hihintayin pa ang DILG. Abala ito sa pagbili ng mas mahal na trak ng bumbero na noon pa hinihingi ng mga probinsiya.
Kung kulang sa maliliit na gamit ang pulis, mas lalong walang malalaking benepisyo tulad ng pabahay, ospital at libingan. Delikado ang trabaho nila, pero nakatira sila sa slums, kasama ng drug pushers, kanto-boys at illegal vendors. Kapag umuuwing pagod sa trabaho, kailangang makisama sa mga lasenggong nagtatagayan sa pasilyo, para walang masamang mangyari sa pamilya nila habang on-duty. Malapit sa disgrasya ang trabaho, pero walang exclusive hospital o sementeryo ang PNP. Ambagan na lang kapag may nagkasakit o namayapa sa bigat ng araw-araw na misyon.