Ilang taon na ang mga niyog mo, Pareng Tonying?
Apatnapung taon.
Napansin ko, makabago ang lahat ng ginagawa mong pamamaraan sa iyong palayan, manukan at gulayan pero ang iyong niyugan ay makaluma pa rin. Bakit Pare?
Kung ako ang masusunod, matagal ko nang pinatay ang mga niyog at pinalitan ng bagong variety. Ang bagong variety ng niyog ay nagbubunga ng mahigit 320 bawat puno. Ang mga matatanda kong niyog ay 80 lang kada puno. Pero pagpinatay ko ang mga niyog, siguradong magagalit ang tatay ko.
Matagal nang patay ang tatay mo di ba?
Totoo iyan. Pero bago siya mamatay, nag-usap kami. Sinabi ko ang bagong variety ng niyog. Ipinaliwanag kong hindi ito natutumba kapag may bagyo. Marami ang bunga at hindi na kailangang akyatin. At mabilis mamunga. Tumigil si Pareng Tonying. Lumungkot ang mukha. "Pero ayaw makinig sa akin si Tatay. Nalaman ko, tuwing manganganak pala si Nanay noon, nagtatanim si Tatay ng 100 puno ng niyog. Marami ang naani sa mga niyog at ito ang nagtustos sa aming pangangailangan. Pati pag-aaral ng mga kapatid ko at kung ginusto ko pati ako sanay nakaabot sa kolehiyo. Ayon sa tatay ko ngayong matanda na kami ay kaunti na lang ang ani ng niyog. Ang pagpatay ng puno ngayon ay kasukdul-sukdulang pagkawalang utang na loob. Nang mamatay si Tatay ay ipinamamana sa akin ang limang ektarya dahil ako ang hindi nakatapos sa amin. Ang kita roon ang ginamit ko para maitaguyod ang pagsasaka at pagmamanukan. Paano ko ngayon mapapatay ang mga puno ng niyog?
Tinitigan ko si Pareng Tonying at ibinulalas kong Huwag na huwag mong mapapatay ang mga niyog.