Mula nang buuin ang NAKTAF may ilang buwan na ang nakararaan, ngayon lang sila nagpakitang gilas at nakadakma ng mga kidnappers na matagal nang sakit ng ulo ng pamahalaan. Ang pagtaas ng bilang ng mga kidnappng incidents ang nagtulak kay GMA para ipag-utos na bitayin na ang mga kidnappers na nahatulan ng kamatayan. Naging malaking isyu ang biglang pagbawi ni GMA sa death penalty sapagkat nang maupo siya noong January sinabi niyang walang magaganap na pagbitay habang siya ang Presidente.
Mula nang maupo si GMA, tumaas ang bilang ng mga kaso ng kidnapping at walang magawa ang PNP kung paano ito malulunasan. Naging mabangis ang mga kidnappers na kapag hindi nagkasundo sa ransom money ay pinapatay ang kinidnap gaya ng ginawa sa isang babaing Intsik na walang awang binaril sa ulo.
Kakatwa na nang sumabog ang isyu sa kudeta na tinambalan nang kung sino ang susunod na PNP chief ay biglang rumatsada ang NAKTAF ni Ebdane. Natunugan ang operasyon ng "Esting Gang" makaraang kidnapin ang tatlo katao at hingan ng ransom. Nilusob ang hideout ng mga kidnappers na nagresulta sa barilan at namatay ang isang pulis. Kamakalaway nahuli na rin ang umanoy lider ng "Esting Gang" na si Ramon Go.
Kaya naman palang gumalaw ng PNP ay kung bakit ngayon lamang sila nagsagawa ng mahusay na operasyon. Maaari naman pala nilang tunugan at putulan ng sungay ang mga walang kaluluwang kidnappers ay kung bakit ngayon lamang ginawa. Naniniwala kami na magagawa ng PNP na lunasan ang talamak na kidnapping sa bansa. Kailangan lamang na magkaroon ng mabisa at seryosong pamamaraan ang mga namumuno. At sa biglang pagpili kay Ebdane, sanay siya na nga ang pinunong maglilinis sa mga dumi ng PNP.