Hindi pa ginagamit ang pagkahaba-haba at kakila-kilabot na salita noon. Pero binulgar na ni ISAFP chief Gen. Benjamin Libarnes nung 1997 ang narcopolitics. May mga tiwaling pinuno ng PNP at senador daw na sangkot sa mga sindikato ng droga. Kinasuhan niya si Alfredo Tiongco bilang sugo ng Chinese Triads sa Maynila. Kaya lang ay naabsuwelto.
Muling isiniwalat ng bagong ISAFP chief Col. Victor Corpus ang problema nung Abril. Inulat niya kay President Gloria Macapagal-Arroyo na may kidnapping at robbery gangs na pumasok na rin sa droga. Kabilang na rito ang Kuratong Baleleng sa Misamis at Solido Gang sa Nueva Ecija. Nakapagpuwesto na sila ng mga suhulang piskal at huwes, mga heneral sa PNP at AFP, bilang protektor: Pero tinutustusan pa nila ang kampanya ng mga piling konsehal, mayor, provincial board member at gobernador. Pati mga kandidatong congressman at senador ay ginastahan. Babala ni Corpus na balang araw makakapag-panalo sila ng Presidente dahil sa laki ng pera. Halos P500 bilyon ba naman ang bentang shabu taun-taon.
Kapag nangyari iyan, ani Corpus, magiging narcostate tayo tulad ng Columbia. Doon, mas naghahari ang cocaine cartels. Pumapatay ng mga heneral at ministro, huwes at peryodista na hindi masuhulan.
Hayan na ngat meyor pa ang nagmamaneho ng sasakyang may 503 kilo ng droga. At ginamit pa ang ambu-lansiya ng public hospital sa hangad na hindi ma-checkpoint ng pulis. Sinabi ni DILG Sec. Joey Lina, may mas matataas pang opisyal na sangkot sa sindikato ng meyor.
Pero ano ang pinag-aabalahan ng ating mga senador? Matagal nang sinabing dapat nilang pag-aralan ang umiiral na narcopolitics, para umakda ng batas laban dito. Pero bigla nilang itinigil ang imbestigasyon sa maraming sumbong ng drug trafficking ni Sen. Panfilo Lacson. Sana ituloy na ito, di para idiin si Lacson kundi para arukin ang problema.