Sinabi ng gobyerno na hindi tama ang ginawa ng US sapagkat ilang lugar lamang sa Mindanao ang may kaguluhan tulad ng Sulu at Basilan. Hindi umano tama ang ginawang babala ng US na ibinando pa sa buong mundo. Sinabi ni National Security Adviser Roilo Golez na maraming ligtas na lugar sa Mindanao at sinumang nationality ay maaaring pumunta.
Naghimutok din si Tourism Sec. Richard Gordon sapagkat malaking epekto sa tourism industry ang travel advisory. Sino nga namang turista ang pupunta pa rito. Marami pang umalma sa travel advisory. Dapat daw bawiin ng US ang ipinahayag.
Walang saysay ang protesta laban sa travel advisory at dapat tanggapin ng gobyerno na talagang mapanganib ang magpunta sa Mindanao. Sa halip na magprotesta, sikapin ng gobyerno kung paano madudurog ang mga bandidong Abu Sayyaf na sinusuportahan ng teroristang si Osama bin Laden.
Hanggang sa kasalukuyan, walang magawa ang gobyerno kung paano dudurugin ang Abu Sayyaf na nagkamal na ng maraming pera dahil sa pangingidnap ng mga dayuhan. Nasa kamay pa ng mga bandido ang dalawang Amerikanong kinidnap noong May 27 sa Dos Palmas resort sa Palawan. Isa sa Amerikanong binihag ay pinugutan nila ng ulo. Kinumpirma ng US authorities na ang nahukay na bungo ay kay Guillermo Sobero. Marami nang naging biktima ang mga bandido at kabilang dito si Jeffrey Schilling na nakalaya ilang buwan na ang nakalilipas.
Ang katotohanan ng hindi pagiging ligtas sa Mindanao ay ipinakita ng mga katibayan. Bigo ang AFP na mailigtas ang dalawang bihag na Amerikano. Dapat bang magsentimiyento sa katotohanang ito?
Sinabi ng Armed Forces of the Philippines na hanggang November na lamang ang itatagal ng mga bandido at masusukol na ang mga ito. Maganda ang pahayag na ito kung maisasakatuparan.
Sa ngayon, ang isang paraan para hindi mabansagang mapanganib ang pagpunta sa Mindanao o sa bansa ay ang gawing ligtas ito. Sa halip magmaktol, gawin ang lahat ng paraan o hingin ang tulong ng US para mapulbos ang mga Abu Sayyaf.