Gaya nang nakagawian ko sa siyudad, ang una kong ginawa ay tumawag ng isang pulong para sa mga kababaihan. Itinakda ko ang pulong ng alas-7 ng gabi. Subalit naghimutok ako sapagkat limang kababaihan lamang ang dumalo. Alam kong may 100 kababaihan sa nayon. Mahalaga pa naman ang pag-uusapan namin. Masama ang aking loob dahil lahat ng kababaihang inanyayahan ko ay nangakong dadalo. Umasa ako.
Nagtanung-tanong ako. Nalaman kong hindi pala uso roon ang pagpupulong sa gabi. Lahat ay maagang natutulog. Tuwing ala-una pala ng hapon ginagawa ang pulong. Ganoon ang aking ginawa nang muling tumawag ng pulong. At totoo nga, napakaraming dumating na kababaihan. Kahit ang mga hindi ko nasabihang kababaihan ay dumating.
Ang pulong ay ginagawa namin sa harap ng bahay ni Aling Toyang. Masaya ang aming pagpupulong tungkol sa kalusugan at pagpaplano ng pamilya. Napansin ko na tuwang-tuwa ang lahat habang nagpupulong.
Tinanong ko si Aling Rosing kung bakit maraming dumadalo kapag ganoong oras ang pulong. Isa si Aling Rosing sa masugid dumalo sa pulong.
Medyo nagulat si Aling Rosing pero nakangiting sumagot, "Mabuti na Doktor ang narito sa pulong dahil kung wala ka ay ikaw ang pag-uusapan ng iba."
Napahagikgik ako. Uso rin pala sa nayon ang tsismisan, akala koy sa siyudad lang.