Sinabi ng aking espiya na P150,000 sa naturang halaga ang mapupunta sa bulsa ni Lacuna samantalang ang natitirang P50,000 naman ang iaabot ni De Jesus sa isang nagngangalang Philip na umanoy kamag-anak ni Vice Mayor.
Pero in fairness naman kay Vice Mayor Lacuna, hindi niya ito tinanggap. Ang unat huli lamang niyang kautusan dito kay de Jesus at sa mga bataan niya ay ang sugpuin ang talamak na jueteng, bookies ng karera, lotteng, ending at iba pang klaseng sugal sa Kamaynilaan.
Siyempre, ang unang target ni Lacuna at gusto niyang ipasara ay ang bookies ni Boy Abang na ni isang katiting ay hindi sumuporta sa kanyang kandidatura noong nakaraang election. Pero mukhang palaban din itong si Boy Abang dahil ni isang sentimong duling ay ayaw ding magbigay kay De Jesus para nga kay Lacuna, ayon sa aking espiya.
At dahil nga ayaw ni Lacuna na tumanggap ng pera kay De Jesus, diyan na papasok ang katakut-takot na problema sa kanya. At kung hindi niya maaagapan ito, maaaring sabihin natin na dapat magpaalam na siya ng maaga kung may ambisyon man siyang tumakbo pa sa larangan ng pulitika sa darating na election. Bakit? Dahil nagisa na ng husto ang pangalan niya at baka hindi na siya makabangon pa.
Kung sa tingin ni Lacuna naapektuhan ang operasyon ng pasugalan at putahan sa Manila dahil sa pagkalong niya kay De Jesus, diyan siya nagkamali. Kasi nga patuloy pa rin ang pangongolekta nina PO2 Bayani Neri, ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Manila, Arnold Sandoval ng District Police Intelligence Unit (DPIU) at ng pitong butas ng City Hall detachment, kayat ibig sabihin tuloy ang ligaya.
Itong si Neri pala, ayon sa espiya ko, ay may sariling video karera na nakaumbrella naman kay Boboy Go. Masipag manghuli itong si Neri pero mukhang ang mga makina lamang ng kalaban nila ni Go ang binibitbit niya. Mahilig ding magbanggit ng pangalan ng matataas na opisyales ng CIDG itong si Neri.
Si Sandoval naman ay nagsasabing ang DPIU na ang naatangan ni Chief Supt. Nick Pasinos, hepe ng Manila police, na pumalit sa dating trabaho ni De Jesus. Pero mukhang gusto ng mga gambling lords at establishment owners itong si Sandoval dahil marunong makipag-usap, anang aking espiya.
Sa City Hall detachment naman ay may pitong butas at apat dito ay nasa ilalim ng Special Operations Group (SOG). Habang dumadami ang butas diyan sa City hall detachment, inuulan naman ako ng reklamo.
Kung gusto ni Vice Mayor Lacuna na hindi siya mapintasan sa pagkuha niya ng serbisyo ni De Jesus at kanyang mga bataan dapat sigurong itong City Hall detachment na lamang ang kanyang gamitin. At diyan, maaari nating sabihin na walang bahid ng pulitika ang kanyang hangarin.