Sumulat sa akin itong si Vice Mayor Lacuna at parang iginigiit niyang may karapatan din siya sa kampanya laban sa illegal gambling at hindi lang pagpapasa ng mga batas para sa kapakanan ng mga Manileño bilang presiding officer ng City Council.
Inamin ni Lacuna na ang dakilang kolektor ng intelihensiya sa pasugalan na si SPO1 Rene de Jesus ay sa ilalim ng pangangalaga niya. Pero iginigiit niya na hindi siya nasilayan ng perang nakolekta ni De Jesus. He-he-he! Maniwala kaya ang taumbayan dito?
Matatandaan na itong si De Jesus at grupo niya na ginagamit sa ngayon ni Lacuna ay sinibak kamakailan ni Chief Supt. Nick Pasinos, hepe ng Manila Police, bilang over-all kolektor niya ng intelihensiya dahil sa bukulan. Malaki ang nawala kay Pasinos, ayon sa aking espiya.
Sa pagkuha niya kay De Jesus, inamin ni Lacuna na napalagay siya sa suspicious predicament. Pero idinahilan niya na kinalong niya ang mga ito para makabalik sa kanilang trabaho at mapuksa ang laganap na bookies ng karera, video karera, jueteng, Chinese mahjong at iba pang sugal sa lungsod. At epektibo umano ang grupo ni De Jesus sa anggulong ito aniya.
Sa biglang tingin mukhang gusto lamang ni Lacuna na makatulong sa pagsugpo ng mga illegal sa Maynila. Subalit kung uurirating maigi, makikita na may personal siyang gustong palabasin at yon nga ay ang mapahiya si Atienza.
Ang argumento ng mga nakausap ko, bakit hindi ipasa ni Lacuna ang kampanya laban sa illegal gambling kay Pasinos kung walang bahid pulitika ang hangarin niya? At bakit ginagamit ni De Jesus ang pangalan ni Lacuna para tarahan ang mga gambling lords at may-ari ng putahan ng lingguhang intelihensiya? Hindi ba nakarating sa kaalaman mo ito Vice Mayor Lacuna o nagbingi-bingihan ka lang?
Granting na hindi mo kaalyado si Pasinos, bakit isinugal mo pa ang mabango mong pangalan kay De Jesus eh kung sa una pa lang alam mo ng babaho ka? Para sa kaalaman ni Lacuna, kahit anong panghuhuli pa ang gawin nitong si De Jesus, mananatili pa ring bukas ang pasugalan at putahan sa Maynila.
Sa ganang akin kasi, parang ni-legalize ni Lacuna itong pang-oorbit ni De Jesus. Binigyan niya ng ngipin, ika nga. At sa lahat ng vice mayors sa Metro Manila, si Lacuna lang ang nagka-interes sa pasugalan at putahan. Ano ba yan?