"Sampalok kasi ang ginamit kong pang-asim, Doktor," sagot ni Aling Rosing.
"Pero wala pa namang bunga ang sampalok," puna ko.
Si Mang Pinong ang sumagot, "Hindi lang bunga ang pang-asim, Doktor, puwede rin ang bulaklak at dahon."
"Ah, ganoon pala. Palibhasa hindi ako marunong magluto," sabi ko.
Napansin ni Mang Pinong ang batang anak na lalaki.
"Huwag puro ulam ang kinakain para hindi ka magka-bulate."
Hinipo ko ang tiyan ng bata. Mabilog ang tiyan. Tiyak na may bulate nga. "Bigyan natin ng purga," sabi ko kay Mang Pinong.
"Sige, Doktor, pero kung puwede iyong hindi gaanong malakas. Baka mamatay lahat ang bulate ay mahihirapang matunawan ang bata."
Mali pa rin ang pag-iisip ni Mang Pinong tungkol sa paggamot sa bulate sa tiyan. Dapat itong maturuan.
Napansin ko ang tabo sa aking harapan.
"Ano ba itong tabong ito na may lamang tubig? Matatapos na ako ay hindi ko pa ito nagagamit," tanong ko sa mag-asawa.
Nagtawanan ang mga ito. Nakitawa na rin ako kahit hindi naiintindihan kung bakit nagtatawanan.
Sumagot si Mang Pinong, "Iyan ang tinatawag na hinawan Doktor. Inilulublob diyan ang kamay bago kumain. Pagbasa ay hindi didikit ang kanin sa kamay."
"Ganoon ba? Mabuti pala at hindi ko ito nainom."