Baboy at bakya

Nanganak ang ipinaalaga kong baboy kay Aling Rosing kaya nagpunta ako sa nayon para bisitahin. Napansin kong mainit ang ulo ni Aling Rosing nang umagang iyon pero hindi ko muna pinansin.

‘‘Ilan ba ang biik, Aling Rosing?’’ tanong ko.

‘‘Walo, Doktor," sagot ni Aling Rosing na halatang galit. "Kaya napuyat ako. Kasi kailangang bantayan. Pag hindi, baka humiga ang inahin ay madaganan ang mga biik. Ito ang karaniwang dahilan kaya may namamatay na biik. Pagkatapos ay tinuruan ko ang bawat biik na sumuso sa inahin,’’ paliwanag ni Aling Rosing.

Tinanong ko na ito kung bakit mainit ang ulo.

‘‘Dahil ba sa panganganak ng ating baboy?’’

"Hindi, Doktor.’’

‘‘E, bakit mainit ang ulo mo?’’

‘‘Dahil sa batang si Pedring.’’

‘‘Bakit, ano ang ginawa sa iyo ni Pedring?

‘‘Kung anu-anong kabulastugan ang ikinukuwento sa buong nayon ng batang iyon.’’

‘‘E, basta ba totoo at ikaw ang bida, ayos lang, hindi ba Aling Rosing?’’

‘‘Ako nga ang kontrabida, Doktor."

‘‘Ano ba ang ibinabalita ni Pedring?’’

‘‘Ibinabalita niya na kapag sumasakay ako sa bus ay iniiwan ko ang aking bakya, gaya ng ginagawa ko kapag umaakyat sa bahay. Hindi naman totoo iyon.’’

Hindi ko napigilan ang pagtawa. Nagpatuloy si Aling Rosing.

‘‘Isa pa, hindi ako gumagamit ng bakya. Ang ginagamit ko ay tsinelas.’’

Show comments