"Kumusta ang baboy natin, Mang Pinong?" bati ko.
"Mabuti pa ang baboy at kinukumusta nyo, Doktor."
"Paano ay kahati ako sa baboy, pero sa inyo ay wala akong hati." Nagpapaalaga kasi ako ng baboy kay Aling Rosing.
"Kaya nga may hinanakit ako sa baboy na alaga niya, Doktor," patuloy ni Mang Pinong.
Narinig pala ni Aling Rosing ang aming pag-uusap at sumabad. "Hoy Pinong, pati ba naman si Doktor ay isinasama mo sa kalokohan?"
Hindi pinansin ni Mang Pinong si Aling Rosing at itinuloy ang sinasabi sa akin. "Ang reklamo ko ay tungkol kay Rosing, Doktor. Biro nyo, mas asikaso pa niya ang baboy kaysa sa akin. Nang minsang bumaha, iniakyat ang baboy dito sa bahay."
"E ano, malinis naman. Madalas maligo."
"Oo nga, mas malinis at mas madalas maligo ang baboy kaysa sa iyo."
Inambaan ng palo ni Aling Rosing si Mang Pinong at napatakbo tuloy ang lalaki. Pagkatapos ay nagsalita si Aling Rosing, "Naku, Doktor, sa isang linggoy manganganak na ang baboy natin."
"Paano mo nalaman?"
"Madali lamang, Doktor. Ito ay tinatawag namin na tres-tres-tres. Ibig sabihin, tatlong buwan, tatlong linggo at tatlong araw. Kaya ang suma total ay 114 na araw mula sa paglilihi."
Nang sumunod na linggoy nanganak nga ang baboy gaya ng sinabi ni Aling Rosing. Mahusay talaga siyang mag-alaga ng baboy. Maraming nalalaman.