Kasunod ng pagtatalo sa chairmanship, ang pagtatalo naman kung iimbestigahan nila ang kapwa senador na inakusahan ng drug trafficking, kidnapping, bank robberies at salvaging. Sa wakas, nagpasya ang Senado na imbestigahan si Sen. Panfilo Lacson at nagpatuloy ang mga pagtatanong sa mga lumutang na witness na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring nakikitang linaw kung hanggang saan ba talaga aabot.
Habang nagsasagawa ng hearing sa mga akusasyon kay Lacson, isinabay naman ang pag-iimbestiga sa mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na umanoy nakipagsabwatan sa mga bandidong Abu Sayyaf kapalit ng pera. Ang pagbubulgar ay ginawa ni Fr. Cirilo Nacorda. Wala pa ring linaw kung hanggang saan aabot ang imbestigasyon ng Senado sa bagay na ito.
Magdadalawang buwan na nga subalit "itlog" pa rin ang Senado sa paggawa ng batas. Walang naipakita para sa ikauunlad ng bansa at ikaaangat ng buhay ng mga naghalal sa kanila. Noong Biyernes, nagsimula na ang dalawang linggong break ng mga senador. Pahinga ba ito sa may dalawang buwang walang nagawa? Ang may dalawang buwan nila ay para bang pagpapapogi lamang samantalang ang ibay nagga-grandstanding lamang.
Maraming mahahalagang bagay na dapat unahin ang mga senador. Oo ngat mahalaga ang tungkol sa narco-politics, money laundering at kidnapping subalit may iba rin namang bagay na dapat pagbalingan ng atensiyon. Marami ang naghihirap, walang trabaho, walang matirahan at kung anu-ano pa. Dapat magtrabaho ang mga senador at kung maaariy iwasang maipit sa nag-uumpugang bato ng politika. Paglilingkod ang hinahanap ng taumbayang naghalal sa kanila at wala nang iba pa.