Noong Aug. 8, 1986, ipinagbili ni Amelia ang kanyang 1/5 na parte kay Benilda, isa pang kapatid nina Digna, sa halagang P10,000. Hindi ito ipinaalam sa may-aring magkakapatid. Nalaman lamang ito noong May 30, 1992 sapagkat sinulatan ni Benilda si Digna kung saan hinihingi niya ang kanyang 1/5 na parte sa kita ng gusali. Sinulatan din ni Benilda ang mga nangungupahan upang ibayad sa kanya ang 1/5 ng mga renta. Ngunit inabisuhan naman ni Digna ang mga nangungupahan na huwag intindihin ang sulat ni Benilda.
Nagsampa ng kaso si Benilda noong Aug. 5, 1992 upang ipatupad kay Digna ang pagkakalipat ng 1/5 na parte sa kanya ng kanilang inang si Amelia. Bilang sagot sinabi ni Digna na may karapatan silang tubusin ang parteng ipinagbili kay Benilda kaya nagdeposito siya ng P10,000 sa hukuman noong Aug. 12, 1992. Hindi na ipinagpatuloy ni Benilda ang kanyang kaso. Ngunit hindi rin tinanggap ang depositong pangtubos hanggang sa mapawalang saysay na ang kanyang kaso laban kay Digna.
Makaraan pa ang tatlong taon, at dahil walang linaw kung ano na ba ang katayuan ng karapatan ni Benilda sa gusali, sina Digna naman ang nagsampa ng kaso laban kay Benilda upang tanggapin ng huli ang halagang P10,000 na pangtubos sa 1/5 na parte. Sinalungat ito ni Benilda. Sabi niya, ayon sa batas may 30 araw lang sina Digna mula ng maabisuhan ito, kung kailan maaari niyang tubusin ang parteng 1/5 na ipinagbili sa kanya ng kanilang inang si Amelia. At noong May 30, 1992 pa naabisuhan si Digna. Kaya lampas na ang 30 araw. Sa katunayan nga, ayon kay Benilda pati ang pagdeposito ni Digna ng P10,000 sa hukuman upang tubusin ang nasabing parte noong Aug. 12, 1992 ay huli na rin. Tama ba si Benilda?
Mali. Malinaw sa batas na ang dapat magbigay ng abiso sa ibang may-ari ay iyong kapwa nila may-ari na nagbili ng kanyang parte. Sa kasong ito, dapat si Amelia ang nagbigay ng nasabing abiso. Kaya ang abiso ni Benilda ay balewala at hindi ayon sa batas. Ang kapwa may-ari lang na nagbili ng kanyang parte ang nasa posisyon na malaman kung sino pa ang ibang may-ari na dapat abisuhan. Siya lang din ang makapagsasabi kung talagang ipinagbili nga niya ang kanyang parte. Kaya siya lang ang dapat magbigay ng abiso.
Gayun pa man, dahil nga maaaring pagtagalin ng nagbili ng kanyang parte ang pagbibigay ng abiso tulad ng ginawa ni Amelia, hindi makatwiran na paghintayin pa sina Digna ng abiso ni Amelia na maaaring higit na maantala. Kaya ang pagsasampa ni Benilda ng kaso laban sa kanila noong Aug. 5, 1992 ay maaari nang ituring na abiso ayon sa batas. Dahil dito ang pagdeposito nina Digna ng P10,000 noong Aug. 12, 1992 ay maituturing na natubos na niya ang parteng pinagbili sapagkat itoy ginawa sa loob nang 30 araw mula ng abiso. (Francisco vs. Bolser G.R. No. 137677 May 31, 2000)