Noong July 9 ng nakaraang taon, ang bundok naman ng basura sa Payatas dumpsite ang naguho at inilibing ang may 230 katao. Mas malagim at nakahihilakbot sapagkat sa tambak ng mabahong basura nalibing ang mga biktima. Hanggang sa kasalukuyan, nananatili pa rin sa alaala ng mga nakaligtas na biktima ang malagim na pangyayari. Isang bangungot na mahirap lusawin at laging dumadalaw. Mayroon pang inang nasiraan ng ulo dahil sa pagkamatay ng kanyang anak. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nakakamit ng mga biktima ang katarungan.
Noong Huwebes, isa na namang pagguho ng lupa ang naganap sa Bgy. Commonwealth, Quezon City. Wala namang namatay sa pagguho maliban sa isang 4-anyos na batang babae ang nasugatan nang magiba ang barungbarong nilang tahanan. Ang lugar na pinangyarihan ng pagguho ay malapit lamang sa Payatas dumpsite. Pinalikas ang mga naninirahan sa nasabing lugar subalit marami rin naman ang nagsisibalik kahit na pinagbawalan na nanganganib ang kanilang buhay. Hindi pa rin sila natuto kahit na marami nang namatay dahil sa katigasan ng ulo.
Ang pagguho ng lupa noong Huwebes ay hindi grabe kung ikukumpara sa Cherry Hills at Payatas subalit maaaring may mangyari pang trahedya kung hindi magiging handa ang pamahalaan partikular ang local government officials. Dapat na maging alerto ang mga local government official sa kanilang nasasakupan upang hindi na maulit ang trahedya. Lalo pat ang pag-ulan ay maaari pa umanong magpatuloy hanggang sa susunod na buwan.
Sa ganitong pagkakataon, dapat namang makiisa ang mga residente sa ginagawang paghahanda ng mga officials. Iyon naman ay para rin sa kanilang kaligtasan.