Ihalo niyo ang pinipig at gata, Doktor, pero maghintay kayo ng sumandali para masipsip ng pinipig ang gata para maging malinamnam, payo ni Mang Senting.
Ilang sandali pa at kumain kami ng pinipig. Napakasarap.
Mayamaya ay narinig namin ang paparating na prusisyon. Malakas ang kantahan. Kasama sa prusisyon ang larawan ng mga patron. Ang prusisyong iyon ay ginawa para umulan at nang mabuhay ang mga tanim na palay. Natutuyo na kasi ang bukirin.
Pagdaan ng prusisyon sa bahay ni Mang Senting ay huminto sila para kumain ng pinipig at gata. Nakiinom din ng malamig na tubig.
Pagkaraan ng dalawang araw habang ako ay nasa bayan nabalitaan kong umulan sa nayon nina Mang Senting. Dininig ang kanilang panalangin sa prusisyon. Maaari nang mabuhay ang mga palay. Mabait talaga ang Diyos.
Pagkaraan pa ng dalawang linggo ay umulan pa nang pagkalakas-lakas. Sapat iyon para tuluyang mabuhay ang mga palay.
Nagpasalamat ang mga taga-nayon sa pangyayaring iyon. Buung-buo ang kanilang pananampalataya sa Diyos kaya sila dininig.