Marami nang nasayang na buhay dahil sa hazing sa fraternity at sa kabila ng pagpapahirap na ipinalalasap, marami pa rin ang sumasali rito. Sa kabila na nalalaman nilang ang mga opisyal at miyembro ng fraternity ay "uhaw sa dugo", ng mga neophytes, nagpapatuloy pa rin sila. Nagpapailalim sa mga berdugo ng bagong panahon na ang pagpalo sa katawan ng bagong miyembro ay musika na yata sa pandinig. Natutuwa kapag nakikita ang pamumuo ng dugo at nasisiyahan kapag humihiyaw sa sakit. Ganyan kahayop ang ginagawang mga pamamaraan ng mga fraternity bago tuluyang tanggapin sa kanilang grupo ang kasapi.
Kamakailan lamang, tatlong estudyante ng isang maritime institute ang nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pagpugot sa ulo ng isa nilang ka-frat. Madugo ang pamamaraan ng pagtanggap sa sasapi sa kanilang "kapatiran". Ayon sa tatlong nahatulan, matapos pahirapan ang ka-frat ay hindi na ito makagulapay kaya tinuluyan na lamang. Ang masaklap, ang ulo ng biktima ay hindi pa narerekober.
Hindi lamang sa hazing marami ang namamatay. Maging sa pag-aaway ng mga nagkakalabang fraternity ay marami ang nabibiktima. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nalulutas ang kaso ng pagkakapatay kay Niño Calinao, isang Journalism student sa UP Diliman noong March 1999. Napagkamalan umano si Niño ng magkalabang fraternity at binaril ito. Mababanggit din ang pangalan ni Dennis Venturina na biktima rin ng pag-aaway ng magkakalabang fraternity sa UP.
Marami na ang napatay dahil sa walang kuwentang hazing at marami pa ang mamamatay kung hindi kikilos ang mga pamunuan ng unibersidad at schools para mapigilan ang pagbubuo ng "kapatirang" wala namang tinutungo kundi ang karahasan. Panahon na rin para mamulat ang mga kabataan na piliin ang mga "kapatirang" sasamahan. Dapat umiwas sa mga "kapatid" kuno na mga uhaw sa dugo. Tama na ang pagpapahirap!