Pero sa tingin ko, nasa tamang landas itong si Senator Loi at nakikita ko na ang kapakanan at kabuhayan ng masa ang kanyang pinoprotektahan. Tama lang na i-legalize itong jueteng dahil sa harap-harapang pagnanakaw ng mga gambling lords sa masa na tumatangkilik sa pamilya ni Erap Estrada. Hindi kaya ng ating pulisya na ipasara itong jueteng at sa katunayan maging ang kanilang hanay ay nabubulok sa sistema dahil sa tinatawag na lingguhang intelihensiya na pati opisina mismo ni Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Leandro Mendoza ay nabahiran na. Totoo ba to? Nakakahiya! Kaya naman nandadaya ang mga jueteng lords ay para makakalap ng pondo para sa malaking intelihensiya sa pulisya at mga local government officials.
Sinabi ng aking espiya na tatlong klaseng dayaan na ang pinaiiral ng mga jueteng lords sa bansa. Ito ang mga tinatawag na "boka", bola "diskarte" o "kaskas". Sa "boka" sinasabi na lamang ng mga jueteng lords sa mga kubrador kung anong numero ang lumabas, sa "diskarteng bola" naman ay may tiyak na numerong lalabas kahit hindi pa binobola at ang "kaskas" naman ay dinidiskarte ng mga kubrador ang ilang bahagi ng koleksiyon nila. Isa sa mga gumagamit ng "boka" sa ngayon ay itong si Totoy Jarota ng San Pablo, Laguna. Si Jarota ang siyang dummy ni Charing Magbuhos, ang jueteng Queen ng Southern Tagalog na nakabase sa Quezon.
Palaging binabanggit ni Magbuhos sa kanyang operasyon itong si Director Reynaldo Wycoco, ng National Bureau of Investigation (NBI). Magkano... este, bakit? Ang gumagamit naman ng "bola diskarte" ay itong si Bong Pineda ang jueteng king ng Central Luzon na konektado naman kay President Arroyo, Viceo brothers ng Bulacan; Tony Santos at Eddie Caro ng Marikina City; Engr. Sanchez ng Batangas at Kabikulan; at Bonito Singson ng Ilocos, anang aking espiya.
Para patunayan na laganap na ang dayaan sa jueteng, may nangyari sa Las Piñas City ng nakaraang buwan kung saan nahulihan ng mga kubrador ang isang empleado nina Pineda at Santos ng dalawang bulletin na nakaipit sa mga daliri nito na palaging nakatikom. Bugbog-sarado si loko. Kaya tama lang itong panukala ni Senator Loi na i-legalize ang jueteng para protektahan ang masa sa mga ganid at manlolokong jueteng lords.