'Nangingikil' na naman

Nakatanggap ng letter ang column na ito mula sa isang magulang na namamasukang domestic helper sa Hong Kong. Nakiusap siya sa akin na huwag nang banggitin ang tunay niyang pangalan kaya tatawagin ko na lang siyang Tina. Sumulat si Tina para magpasalamat sa mga isiniwalat kong anomalya sa mga pampublikong paaralan. May pinag-aaral din daw siyang anak dito sa Pinas.

Mahirap daw ang buhay ng isang DH pero nagtitiyaga siya makapag-aral lang ang kanyang anak. Umaabot na raw sa 240,000 Pinay DH ang nasa Hong Kong na nagpapaaral ng kanilang anak dito sa Pinas.

Mahaba ang sulat ni Tina kaya sa susunod kong column na lamang ibubulgar ang sinulat niyang "anomalya". Bineberipika ko pa ang background dahil natanggap ko lamang ang iyong letter noong Hulyo 27.

Ngayon naman ay tungkol muli sa anomalya sa ilang pampublikong paaralan ang tatalakayin ko. Ang mga humihiling na ibulgar ito ay mga magulang na ang mga anak ay nagsisipag-aral sa mga pampublikong school.

Katulad na lamang sa Tayug South Elementary School sa Bgy. Poblacion, Tayug, Pangasinan. "Nangingikil" este naniningil na raw ang mga guro sa utos ng kanilang principal na si Madam Espadillo at adviser na si Ruth ng P85 sa bawat estudyante bilang bayad sa Boys and Girl Scout fees na ang dating ibinabayad ay P5.

Bukod pa sa naturang fee pinagbabayad din ang bawa’t estudyante ng halagang P7.50 para sa test paper. Ano ba naman ‘yan, Mam? Wala na bang katapusan ang "kikilan" este singilan.

Baka naman mga Mam at Sir sumusunod kayo sa pagtaas ng value ng US dollars sa peso kaya pati naturang fee ay itinaas na ninyo. Baka magalit ang Banko Sental ng Pilipinas.

Biruin n’yo, mula grade 1 hanggang grade 6 ay ilang libong pupils na? Sa grade one ay aabot na raw ng 300 mag-aaral.

Dito naman sa Malabon Elementary School ay nagreklamo ang mga magulang na hindi raw kanilang pirma ang ginamit sa paniningil ng P20 sa PTA membership at P20 para daw sa pagbili ng panambak sa nabanggit na school.

Pero lumalabas na pawang mga tauhan daw ng DPWH ang naglalagay ng panambak sa loob ng compound ng kanilang paaralan. Baka siningil sila ng DPWH. A ewan! Mga Mam at Sir paki-eksplika naman sa mga magulang na nagpaabot ng reklamo sa column na ito ang mga anomalya ninyo diyan.

Katulad daw noong nakaraang taon, bago magbakasyon ay nagpa-binggo kayo riyan at may P100,000 ang nalikom pero noong pasukan na raw ay P6 na lamang ang natira.

Mukha yatang may misteryo sa Malabon Elementary School, DECS Secretary Raul Roco. Pakibusisi ito sa inyong mga tauhan.

Para naman sa mga magulang at teacher ng Pura V. Kalaw Elementary School sa Project 4, Quezon City, huwag naman kayong mag-akusa ng walang basehan sa ilang magulang na nagbibigay ng impormasyon sa column na ito sa mga ginagawa ninyong anomalya.

May nagpaabot ng reklamo sa column na ito na dalawang magulang na may anak na nag-aaral na sila raw ay bahagi ng "demolition team" na nagbibigay ng impormasyon sa pangingikil este paniningil ng P1 araw-araw sa mga estudyante para sa naglilinis ng kubeta.

Alam n’yo mga accuser na teacher at magulang ng Pura V. Kalaw Elementary School para sabihin ko sa inyo hindi lang isa o dalawa ang nagpaabot ng impormasyon. Siguro lalampas sa bilang ng kalendaryo ang nag-aabot ng reklamo sa column na ito pero hindi ko maaaring sabihin dahil sila ang nagsisilbing mata ng column na ito sa mga magaganap na anomalya riyan.

Sa mga magulang na patuloy na nagpaabot ng reklamo, sa susunod na lamang po ang ibang anomalya ng school dahil sa kulang na ang pahina. Mabuhay kayo!

Show comments