Kung nakapaglalaan daw ng milyones ang administrasyon bilang pabuya sa mga makapagtuturo sa mga opisyal at kasapi ng Abu Sayyaf, dapat din daw bigyang pabuya ang mga mamamayang makapagtuturo sa mga kurakot sa gobyerno.
Maglaan aniya ng "special fund" para sa ganitong layunin.
Talagang matagal nang dapat sinugpo ang mga katiwalian sa gobyerno. Pero sadya yatang mahirap igupo ang kasamaan.
Mantakin ninyo na batay sa estadistika ng World Bank, umaabot sa P2 bilyon taun-taon ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa graft and corruption!
Ngunit maging epektibo kaya ang panukala ni Kongresman?
Marahil madaling makapagturo ng mga nakabababang opisyales at empleyado ng pamahalaan na gumagawa ng katarantaduhan sa gobyerno.
Katunayan, nakarinig na marahil kayo ng isang kahero sa munisipyo na nahatulang mabilanggo dahil nakawaldas ng limangdaang piso.
Iyan. Iyan ang problema.
Kapag maliliit na isda ang sangkot, madaling matiklo at mapatawan ng parusa. Sila yaong mga maliliit na tao na maliliit din ang suweldo. Na dahil siguro sa matinding pangangailangan ng pamilya ay nagawang ma-involved sa petty theft. Sila ang madaling malambat at maparusahan.
Ang mali ay mali. Maliit man ang kinurakot o malaki, parehong mali iyan na dapat patawan ng karampatang parusa.
Ngunit kumusta na yaong mga matataas na opisyal na bilyun-bilyon ang kinukurakot? Marahil gagawing halimbawa ng iba si dating Presidente Estrada na ngayoy nakapiit at nahaharap sa kasong economic plunder.
Ngunit totoo man o hindi ang asunto laban kay Estrada, ang tanong koy siya lang ba?
Kahit mag-alok ka pa ng reward sa mga concerned citizen at mga ordinaryong kawani ng gobyerno, maaasahan mo kaya silang inguso ang isang cabinet member, local officials, Kongresista, dating presidente at iba pang mataas na opisyal na gumagawa ng anomalya? Paano kung ang inginunguso ay super-lakas pala sa administrasyon? Baka yun pang nagsusumbong ang mapasama. Kung hindi man masibak sa tungkulin ay baka isilid siya sa bariles, simentuhan at itapon sa dagat.
Noong panahon ni Fidel Ramos, may isinabatas na Moral Recovery Program ang kanyang administrasyon na akda pa ng kanyang utol na si Sen. Letty Ramos-Shahani. Hinihimok ang pag-aaral ng Salita ng Diyos sa bawat tanggapan ng gobyerno.
Pero naghingalo at tuluyan din namatay ang programang ito. Sayang dahil ito lang ang nakikita kong remedyo laban sa korapsyon. Kung makikilala ng mga taong gobyerno ang Diyos at magkakaroon ng malalim na relasyon sa Kanya, sila ay magkakaroon ng takot sa paggawa ng kasamaan.
Sabi ng Bibliya, If anyone is in Christ, he is a new creation. The old has passed away, behold, the new has come.