Pagkaraan ng People Power 2, sandaling tumahimik ang operasyon ng jueteng. Marami ang natuwa sapagkat kasama rin yatang napatalsik ang sugal. Wala nang magpapahirap sa mga sugalerong mahihirap. Wala nang aagaw sa perang pambili nila ng karampot na bigas.
Pero bangungot ang inakalang durog na ang jueteng. Hindi totoong naghigpit ang pulisya. Lalo lamang lumakas ang sugal na ito at patuloy na kumikita ang mga tiwaling opisyal at miyembro ng Philippine National Police. Ang sinasabing pagsisikap ng PNP na madurog ang jueteng ay napakasamang bangungot na walang ipinagkaiba sa nakaraan.
Hindi lamang PNP ang itinuturong nagniningas-kugon sa pagdurog sa jueteng. Pati ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay wala na umanong ginagawang paraan. Ang DILG umano ay masigasig lamang makaraang maganap ang People Power 2 subalit makaraan lamang ang ilang buwan "tahimik" na ito. Mas lalo umanong lumala ang jueteng noong bago maganap ang May 14 elections. Bumaha umano ang pera mula sa mga gambling operators at ipinang-suporta sa mga tumakbong kandidato. Maitatanong na ano na nga ba ang ginagawang hakbang ng PNP at DILG at sa halip na mapatigil ang jueteng ay parang kabuteng sumisibol sa kung saan-saang lugar ng bansa. May paraan bang iminumungkahi si Governor Singson upang makatulong sa pagdurog sa jueteng?
Nagkaroon ng anti-jueteng summit sa Camp Crame ang PNP at ang DILG noong February. Kasama sa summit si Singson. Nagkaroon ng matibay na paninindigan sina PNP Chief Leandro Mendoza at DILG Sec. Jose Lina na labanan ang jueteng sa buong bansa.
Nakadidismaya ang nangyari sapagkat sa halip na madurog ang jueteng lalo pang dumami at nagkaroon pa ng sungay ang mga gambling lord. Iisa ang dahilan: ningas-kugong kampanya ng PNP at DILG. Wala ring ipinagbago makaraan ang People Power 2. Kailan magiging seryoso at matigas ang pamahalaan laban sa illegal na jueteng?