Pakinggan natin si Jesus, sa paglalahad ni Juan na nagbibigay ng mga pag-iisip ni Jesus, hinggil sa puno ng ubas at mga sanga (Juan 15:1-8).
‘‘Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa puno. Gayon din naman, hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
‘‘Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay itatapon at matutuyo, gaya ng sanga. Ang gayong mga sanga ay titipunin at susunugin. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang mga salita ko, hingin ninyo ang inyong maibigan at, ipagkaloob sa inyo. Napararangalan ang Ama kung kayo’y namumunga nang sagana at sa gayo’y napatutunayang mga alagad ko kayo.’’
Ipinapaliwanag ni Jesus na ang mga sanga’y di-makapamumunga kung ito’y di-kaisa ng puno. Palagay ko’y nauunawaan nating lahat ito. Subalit kailangan nating tingnan ang ating mga sarili ayon sa ilang konkretong mga punto. Sigurado ba na hindi tayo nahihiwalay kay Jesus dahil sa ating mga kasalanan at pagmamaramot? Sa ilalim ng ganitong kondisyon, hindi tayo maaaring mamunga. Mayroon ba tayong pananalig kay Jesus na talagang naipagkakatiwala natin sa kanya ang ating mga sarili? Hindi tayo mamumunga kung hindi natin ibibigay nang ganap ang ating mga sarili kay Jesus at susundan ang kanyang halimbawa.
Ang bunga ng ating pakikiisa kay Jesus ay dapat makita sa aksiyon. Noong nakaraang Linggo, sa Misa sa EDSA, ipinahayag natin ang ating kalungkutan dahilan sa tayo’y nagkulang sa pangangalaga sa ating mga kababayang mahihirap. Subalit ang mga katagang iyon ay magiging walang kabuluhan hangga’t hindi natin sinusundan ng konkretong mga aksyon. Isang kilalang Katoliko at negosyante ang nagsagawa ng isang pampublikong pagsisiwalat na kanilang inaalagaan ang kanilang mga trabahador. Muli, tanging konkretong aksyon ang makapagpapatunay sa ating mga manggagawang lalaki at babae.
Ang mga pari ay nangumpisal din na hindi nila ganap na napangalagaan ang mga mahihirap sa kanilang ministri. Walang makapag-aangat sa kalagayan ng mga mahihirap maliban sa uri ng pangangalaga na ipinakita ni Jesus sa mga mahihirap sa kanyang kapanahunan.
Si Jesus ang makapagbibigay sa atin ng lakas ng loob at determinasyon upang isabuhay at gawing buhay ang Ebanghelyo para sa ating mga mahihirap. At ito ang mensahe ng EDSA 3.