Ang tunay umanong naninirahan sa Mandaluyong City, ani Galino, ay ang biyenan ni Gonzales na si dating Vice Mayor Benito Francisco at ang mga anak nito. Sa panahon ng election ngayon, ang tawag ng taga-Mandaluyong City kay Gonzales ay "ghost congressman" dahil siputin-dili sila nito. At minaliit din ng mga residente ang accomplishment ni Gonzales sa tatlong taon nitong panunungkulan.
Base sa recod ng Kongreso, ang mga batas na naipasa ni Gonzales ay ang pagdeklara ng Pebrero 9 ng bawat taon bilang special working holiday sa siyudad, pagpalit ng pangalan ng Mandaluyong City High School (Mauway annex) sa Mandaluyong East High School at ang isang resolusyon na nagpapaabot ng pakikiramay sa pagkamatay ng kapatid ng isang congressman. Ang bigat ng mga batas na yan ah. At sa P1.7 bilyon na pondong ini-release sa kanya, P29 milyon lamang ang nagamit ni Gonzales sa proyekto at ito ay ang pagpaganda ng mga pader ng mga pampublikong paaralan sa siyudad. Ano ba yan?
"Saan napunta ang natirang pondo?" yan ang katanungang gustong sagutin ni Rep. Gonzales sa mga residente ng siyudad. Inamin ni Galino na ang popularidad ng ama ni Gonzales na si dating Senate President Neptali Gonzales Sr., ang nag-udyok sa kanila para suportahan si Boyet noong nakaraang eleksiyon. Pero dahil sa nakikita nilang kamalian sa pamamalakad nito, nawalan sila ng gana at iitsa-puwera nila ito sa darating na May 14 elections. Makakaharap ni Gonzales ang dating banker at businesswoman na si Angie Domingo-Buan na maaring baguhan sa pulitika subalit maraming karanasan sa pagpatakbo ng banko at sarit saring negosyo.
At dahil sa womens fad ngayon, umaasa si Domingo-Buan na susuportahan siya ng umaabot na 60 porsiyentong babaeng botante ng siyudad. May ilang kamag-anakan ako diyan sa Mandaluyong City na nagsasabing hindi totoong lamang itong grupo nina Abalos at Gonzales ayon sa survey na naglalabasan. Lumalakas umano itong kampo nina dating Vice Mayor Bibot Domingo at Buan habang palapit ang halalan. Sa panig naman ni "ghost congressman", baka hindi na umano nito makita ang kanyang pangalan sa mga balotang bubuksan.