Tumakas si Manero sa Sarangani Provincial jail noong March 22. Sa jail na ito siya nakakulong makaraang buhayin ang murder at kidnapping case kina Ali at Mambatawan Mamalumpong ng South Cotabato noong 1977. Ayon sa report kahit na nakakulong si Manero ay may sarili naman itong tirahang kubo sa bakuran ng jail at nakadadalaw doon ang asawa nito. Nakatakas umano si Manero dahil kinutsaba niya ang jail warden at tatlong guard doon.
Dapat ay hindi na kinamayan ni GMA si Manero na marami naman ang nakakikilalang tahasan ang paglabag sa batas. Dahil sa ginawa ni GMA ay para na rin niyang ginaya ang napatalsik na si President Estrada na nagbigay ng pardon kay Manero noong nakaraang taon. May "kapangyarihan" ba si Manero at ang mga pinakamataas na lider ay "napaiikot" niya?
Naging kontrobersiyal si Manero makaraang barilin nito at mapatay ang Italian priest na si Fr. Tulio Favali noong April 11, 1985. Nang nakabulagta na si Favali, kinain pa umano ni Manero at mga kasamahan nito ang nagkalat na utak. Ito ang taong binigyan ng pardon ni Estrada at kinamayan naman ni GMA. Anong mayroon ang taong ito?
Paano kung gayahin ng iba pang mga pusakal na kriminal ang ginawang pagtakas ni Manero at magbigay din ng kondisyon para lamang sumuko. Paano kung hilingin na ibig din nilang makaharap at makamayan si GMA? Masamang halimbawa ang ginawa ni Manero. Maaaring magbigay ng sakit ng ulo sa mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology. Makabubuting bantayan ng BJMP ang mga bilanggong tulad ni Manero upang hindi na makatakas.
At ano na nga ba ang gagawin sa mga kakutsaba ni Manero kaya siya nakatakas. Kalilimutan na lamang ba iyon? Dapat nalaman ito GMA bago niya kinamayan si Manero.