Madre Nabuntis

Itatago ko na lamang po ang kaibigan kong madre sa pangalang Sister Estella. Si Sister Estella po ay 29 years old at walong taon nang madre.

Isang araw, habang papauwi na si Sister mula sa kanyang mission work, hinarang siya ng tatlong lasing na lalaki at halinhinang ni-rape hindi man lamang iginalang ang kasuotan ni Sister. Hindi namukhaan ni Sister ang mga nang-rape sa kanya kung kaya walang kasong naisampa sa Korte.

Nakalulungkot sapagkat nagbunga ang pangre-rape sa kanya. Kabuwanan na ni Sister ngayon. Ayon sa superyora ng kumbento kinakailangang lumabas na si Sister at hindi na niya maaari pang ipagpatuloy ang kanyang bokasyon. Kinuwestiyon ito ni Sister. Para kay Sister ang pagmamadre lamang ang pinangarap niya mula noong siya ay bata pa at hindi siya makapapayag sa kautusan ng superyora.

May katuwiran po ba ang superyora na gawin ito kay Sister Estella? – Manang Sarita ng Laguna.


May katwiran ang superyora. Ang batas ng religious order ni Sister Estella ang masusunod dahil ito ay: 1.) Pribadong organisasyon; at 2.) Relihiyosong asosasyon.

Ang pagsali sa isang organisasyon ay boluntaryong ginagawa at dito ay boluntaryong isinusumite ang sarili sa kahit anong batas na ipapasunod dito. Maaari ring boluntaryong umalis kung ayaw sumunod sa kanilang batas at maaari ring paalisin kung sa palagay ng organisasyon ay hindi nararapat ang miyembro na makasapi nila.

Ang nangyari kay Sister Estella ay isang trahedya na walang may-gusto ngunit kailangang maisagawa at maipatupad ang batas ng relihiyosong organisasyon at isa rito ay ang sumpa ng kadalisayan (vow of chastity).

Show comments