Kung mga halimaw ang gumawa ng karumal-dumal na krimen, mga demonyo namang matatawag ang nag-utos sa pagdukot at pagpatay kina Dacer at Corbito. Ang mga utak sa krimeng ito ang dapat mahukay ng National Bureau of Investigation (NBI). Hangga’t hindi nahuhuli ang mga demonyo hindi magkakaroon ng kalutasan ang malagim na krimeng ito. Nasa panganib ang mamamayan kung patuloy na makalalaya ang mga demonyo sa Dacer-Corbito murder case. Kung ang isang sikat na PR man na tulad ni Dacer ay walang ngiming kinidnap at pinatay, paano pa ang mga karaniwang mamamayan lamang.
Ngayong ikinanta ng dalawang magsasaka na pawang mga agents ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) ang dumukot at pumatay kay Dacer at Corbito, mas lalo nang nasa panganib ang mamamayan. Tatlong PAOCTF agents na nakilalang sina SPO3 Mauro Torres, SPO2 Jose Escalante at SPO1 Crisostomo Purificacion ang kumidnap at pumatay kay Dacer at Corbito. Isa pang PAOCTF officer na nakilalang si Marino Soberano ang sinasabing sangkot din sa krimen. Umano’y malaki rin ang kinalaman ng aide ni dating Panfilo Lacson na si Police Supt. Teofilo Viña ng PAOCTF-Visayas. Agad namang ipinagtanggol ni Lacson ang PAOCTF at sinabing tinorture umano ang dalawang magsasaka upang idawit ang mga tauhan ng task force na dati niyang pinamumunuan.
Nakaabang ang taumbayan sa kontrobersiyal na kasong ito at inaasahang madaling malulutas sa pagkakahuli ng mga demonyong nag-utos para patayin sina Dacer at Corbito. Walang karapatang makalaya at makagawa pa ng kasamaan ang mga demonyo sa lipunang ito. Wala silang puwang dito. Ang pagdurog sa mga kampon ng masasama ay dapat gawing makatotohanan ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Kawawa ang bansa kapag hindi sila naputulan ng sungay.