Hindi kapani-paniwalang ebidensiya

Sa mga kasong kriminal, kinakailangang hindi lamang sapat ang ebidensiya kundi kapani-paniwala rin ang mga ito. Ang reputasyon ng mga testigo at ang mga sinalaysay nila ay nararapat na may kredibilidad. Ito ang basehan sa pagsusuri sa mga ebidensiyang ibinigay ng taga-usig sa harap ng hukuman. Ang tuntunin bang ito’y sinusunod din kung ang nagprisinta ay ang panig ng akusado? Sasagutin ito ng kaso nina Sam at Nel.

Minsan ay nag-inuman sina Sam, Nel at dalawang kasama ng mga ito sa harap ng bahay ni Robby na kanilang kaibigan. Bandang alas-6:00 ng gabi ay dumaan si Ernie, isang Army sergeant na may kasamang babae. Tumanggi siya nang alukin ng grupo para uminom. Pagbalik nito mula sa pakikipag-usap kay Gary at pagtapat sa mga nag-iinuman ay nakita ni Gary na binaril ni Robby si Ernie pero hindi tinamaan. Binunot ni Ernie ang kanyang baril at pinaputukan si Robby habang si Nel naman ay umikot sa likuran at tinaga sa kamay si Ernie na nabitawan ang baril. Sumugod na rin si Sam at pinagsasaksak si Ernie ng ice pick. Pagbagsak nito ay binaril pa siya ng apat na beses ni Robby. Kapwa namatay sina Ernie at Robby. Sina Sam at Nel lamang ang kinasuhan ng pagpatay kay Ernie.

Para patunayan na wala silang kasalanan, nagprisinta ang mga akusado ng apat na testigo na nagsabing si Robby lamang ang bumaril kay Ernie habang inaawat ni Sam ang biktimang sarhento. At si Nel ay nakatayo lamang dahil sa sindak. Batay sa mga ebidensiyang ito, dapat ba silang pawalang-sala?

Hindi,
ang sabi ng Korte Suprema. Ang testimonya para maging kapani-paniwala ay hindi lamang dapat nagmula sa isang testigong may kredibilidad kundi nararapat din na makatotohanan batay sa karanasan at obserbasyon ng tao ng naaayon sa takbo ng mga pangyayari. Ang prinsipyong ito ay hindi lamang para sa panig ng taga-usig kundi pati na rin sa akusado.

Sa kasong ito, walang testigo sa panig ng akusado ang nakapagsabi kung paano nagtamo ng mga saksak ang biktima. Maliban kina Sam, Nel, Robby, ang biktima at si Gary ay wala nang iba pang tao sa pook na pinangyarihan ng patayan. Kung si Sam ay umaawat lamang habang si Nel ay naghuhumindik sa takot, sino ang sumaksay kay Ernie? Ito ang katanungang hindi nasagot ng sinuman sa mga testigo. Upang pahalagahan ang isang ebidensiya, ito ay dapat makatwiran at kapani-paniwala para iangkop sa mga naganap. (People vs. Amar dela Peña, G.R. #104872-73, June 1, 1994)

Show comments