Tingnan na lamang ang pagpasok ni Laarni Enriquez sa Pilipinas na muntik nang makalusot sa mga tauhan ng Immigration. Nabalitang ang tumulong sa kalaguyo ni Erap ay isang dating opisyal ng NAIA at isang ayudante ng senador na malapit sa dating Presidente. Hindi mangyayari ito kung walang kakutsabang mga tauhan ng gobyerno.
Napag-usapan na rin lamang ang Immigration, lubha akong nabagabag nang makatanggap ng isang balita mula kay dating Immigration Commissioner Homobono Adaza, kandidato ngayon sa pagka-senador, na sumulat siya sa kasalukuyang Immigration Commissioner Andrea Domingo na i-blacklist ang isang nagngangalang Shig Katayama. Ayon kay Adaza, si Katayama ay isang alien na diumano ay may relasyon sa Yakuza at sa mga pasugalan sa Japan at USA.
Ayon pa kay Adaza, si Katayama ay nasangkot sa US$1 million bribery case na inihain ng Anti-Graft Crusaders, Inc. noong 1998 nang siya ay Immigration Commissioner pa. Si Katayama diumano ay gumagamit ng maimpluwensiyang paraan upang makapag-supply ng mga armas sa ating military. Sinabi ni Adaza na hindi man lamang nagpakita itong si Katayama upang linisin ang kanyang pangalan sa pagkakasangkot sa nasabing kaso. Idinugtong pa nito na si Katayama ay naging malapit kay Erap.
Ginagamit umano ni Katayama ang kanyang assistant na si Ron Charles na nasa BID Watchlist din upang ipagpatuloy ang mga transaksiyon ni Katayama. Binanggit ni Adaza na VIP treatment kapag pumapasok at lumalabas ng Pilipinas si Ron Charles.
Nasisiguro ba nating ito lamang ang senaryong nagaganap sa ating bansa? Malaking kapabayaan ito na maaaring magbunsod sa hindi maganda para sa Pilipinas na pagsisisihan natin sa bandang huli. Tinatawagan ko ng pansin si Immigration Commissioner Andrea Domingo at si GMA.